DALAWANG mahahalagang desisyon ang inihayag ng Supreme Court noong Martes. Ito ay ang Enhancement Defense Coordination Agreement (EDCA) at ang disqualification (DQ) case ng Commission on Elections (Comelec) laban kay Sen. Grace Poe. Samakatuwid, may karapatan na ngayon ang US na magpadala ng military forces sa Pilipinas. Tiyak na makatutulong ito sa pagpigil sa agresibong pag-angkin ng China sa mga isla at reef na sakop ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ). Bukod dito, makatutulong din ang EDCA sa humanitarian assistance lalung-lalo na sa panahon ng kalamidad.
Natutuwa naman ang kampo ni Sen. Grace sa SC ruling na nagpapatibay sa unang inisyung Temporary Restraining Order (TRO) ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na pumipigil sa Comelec na idiskuwalipika siya sa pagtakbo sa 2016 presidential election.
Bumubula ang bibig sa galit ng mga maka-kaliwang grupo, partikular ni Bayan Muna Sec. General Renato Reyes, sa naging desisyon ng Korte Suprema na naaayon sa Saligang Batas (Constitutional) ang EDCA. Bakit nga ba kayo nagagalit sa US na panay ang tulong sa ‘Pinas sa panahon ng kalamidad at mga krisis, pero tameme naman sa lantarang pangangamkam ng China sa ating mga isla at reef? Bakit nga ba? Binibigyan ba kayo ng pera ng China?
Sa kaso ni Poe, bakit nga ba pumuputok ang butse nina nuisance candidate Rizalito David, ex-GSIS counsel Estrella Elamparo, ex-Sen. Kit Tatad, Prof Antonio Contreras, at ex-UE dean of law Amado Valdez sa senadora? Talaga bang ayaw ninyong tumakbo ang Pulot at manalo dahil siya ay isang dayuhan (Amerikana)? O, baka naman nais lang ninyong magpasiklab sa taumbayan?
****
Babalik na sa ‘Pinas si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa Enero 23 matapos niyang mapanalunan ang korona na muntik nang maagaw dahil sa bugok na host na si Steve Harvey. May 300 foreign media member ang magko-cover sa hectic homecoming ni Pia. Magko-courtesy call din siya kay PNoy sa Malacañang sa Lunes ng umaga. Totoo bang balak niyang ligawan si Miss Universe o ito ay isa na namang gimik? Maibigan naman kaya siya?
****
Siyanga pala, ang pumabor sa EDCA bilang constitutional ay sina SC Justices Sereno, Carpio, Velasco, Peralta, Bersamin, Del Castillo, Villarama, Perez, Mendoza at Reyes. Ang mga tumutol naman ay sina Justices De Castro, Brion, Bernabe at Leonen.
Sa botong 12-3, pinaboran naman ng SC si Poe sa isyu ng DQ case upang manatili ang kanyang pangalan sa balota.
(BERT DE GUZMAN)