MAY kasabihan na, “History repeats itself.” Sa aking pag-iisip, hindi kasaysayan ang umuulit, kundi ang tao (tayo), ang mga pangunahing aktor sa sining ng buhay ng sangkatauhan. Tao ang umuulit sa kasaysayan, lalo kapag nakakaligtaan ang mga nakasilid na aral sa mga pangyayari. Itong paunang salita, ang disqualification case na kinakaharap ni Sen. Grace Poe na huhusgahan pa ng Korte Suprema. Ito ay matapos sumablay ng dalawang beses sa Comelec. Mistulang “replay” ang nagaganap na laban ng anak ni Fernando Poe Jr,. Hindi ba’t ganito rin ang nangyari kay Fernando Poe Jr. noong 2004? Ang isyu sa pagiging “natural born Filipino” bago makatakbo sa pagkapangulo.

Pasintabi lang, sa panahong iyon, nakialam tayo sa pagtutulak ng kandidatura ni FPJ at nanggulo pa sa isang protesta, na nagsimula sa Quirino Grandstand at nagtapos sa paanan ng Kataas-taasang Hukuman, upang ipaglaban na siya ay isang Pilipino. Hindi ko malilimutan ang pumalibot na media, higit taga-radyo, habang kinakapanayam ako. May isang nagtanong, “Ano raw ang gagawin ng aming grupo sakaling ma-DQ si FPJ”? Malinaw ang aming mensahe at panakot sa Palasyo noon: “Aba’y mas mabuti!” Nagulantang ang mga taga-media sa sagot. “At bakit daw?” buwelta nila.

“Dahil may alas kami kapag nangyari ‘yan. Si Susan Roces! Kung sa kartada pa yan, may hari, pero may alas pa rin kami. At mas maraming boto na makukuha si Susan Roces. Magsasama ang mga tagasuporta ni FPJ, mga maka-Susan, at isama mo pa ang “sympathy votes” o botong naaawa/nagagalit dahil sa pang-uusig sa kanila ng Palasyo”. Dahil diyan, sa inis ng huli, sinipa ako sa PTV-4 at tinawagan ni Gloria Macapagal Arroyo ang ama ko (si dating Senador Rene Espina) ng dalawang beses.

Dahil ditto ay hindi natuloy ang aming planong Export Procesing Zone at 400 ektaryang lupain sa Negros Oriental. Noon, iminungkahi ko ang “substitution” kay Susan Roces, dahil partido ang nominasyon kay FPJ. Hindi “independent” na tulad kay Grace Poe. Isang tao lang ang maaaring makabulabog sa halalang 2016 sa panguluhan, ‘yong katapat sa bigat at imahe ni FPJ. Sakaling ma-disqualify si Grace Poe, sayang ang aking alas! (ERIK ESPINA)
Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan