NAIULAT na mag-iimbestiga na naman ang Kongreso. Muli na namang iimbestigahan ang kaso ng Mamasapano encounter na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at ang mga reklamo sa MRT-3. Pati na rin ang eskandalo sa Manila Metropolitan Film Festival (MMFF) 2015 dahil sa pag-disqualify sa pelikulang ‘Honor Thy Father’ na makasama sa film festival contest at ang umano’y isyu sa ticket swapping ay bubusisiin din.
“Kung may bagong ebidensiya, sumasang-ayon akong buksan muli ang imbestigasyon sa Mamasapano.” Ani Sen. Grace Poe.
Pero, kung wala naman, aniya, ay bakit kailangan pang dinggin uli ito. Naiulat na raw niya ang naging bunga ng imbestigasyon na may ilang beses ding nangyari sa Committee on Public Order and Safety na kanyang pinamumunuan. Tama ang senadora. Isa pa, isang insidente lang ito. Hindi ito tulad ng kaso ni VP Binay na mala-teleseryeng imbestigasyon ang ginawa ng Senado. Sa haba ng panahon na nanungkulan siya at kanyang pamilya sa Makati, iba’t ibang anomalya at pamamaraan ang ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee upang ito ay imbestigahan. Kaya, normal lang para sa komite na maglaan ng panahon para sa mga ito.
Ang kaso ng MRT-3 ay tulad din ng Mamasapano. Inalam ng senado ang dahilan ng hirap na dinaranas ng mga pasahero para makasakay lang sa mga tren kasama na ang mga insidenteng nalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Kung uulitin ang mga imbestigasyon sa Mamasapano at MRT-3, wala na ring ibubungang maganda ang mga ito. Masama pa nga ang epekto nito sa Senado. Kasi, nangangahulugan lang na pabaya at hindi naging masinop ang Senado sa imbestigasyon. Ngayong nalalapit na ang presidential elections, mababahiran na ang gagawing imbestigasyon.
Pampulitika lang ang mga ito at hindi para makagawa ng batas para malunasan ang mga nadiskubreng problema.
Ang mag-iimbestiga naman ng problema sa MMFF ay ang mababang kapulungan ng Kongreso. Hindi ko makita ang kahalagahan ng isyu sa ikabubuti ng bayan. Gagawa ba ng batas ang Kongreso para huwag nang maulit iyong nangyaring pagdi-disqualify sa “Honor Thy Father”? Away show-bis ito. Ang dating proyekto ng pumanaw na alkalde ng Maynila na si Antonio Villegas ay sukat ba namang kunin at pamahalaan pa ng MMDA. Ang imbestigasyon sa MMFF, Mamasapano at MRT-3 ay inutil para sa ikabubuti ng bayan. (RIC VALMONTE)