Naperwisyo ang libu-libong pasahero ng Metro Rail Transit (MRT-3) nang biglang natigil ang operasyon ng buong linya mula Taft Avenue Station sa Pasay City hanggang North Avenue Station sa Quezon City dakong 5:00 ng madaling araw kahapon dahil sa problemang teknikal.
Ayon kay MRT-3 General Manager Roman Buenafe, bigla itong nawalan ng kuryente sa makina na kumukontrol sa signaling system ng tren.
Idinagdag ni Buenafe na tinitingnan na nila ang posibleng sabotahe sa operasyon ng MRT lalo na’t bago naman ang lahat ng signaling station at ibang pasilidad nito ngunit nakapagtatakang nagkaroon ng aberya.
Walang nagawa ang mga iritableng pasahero na unang nagtiis sa mahabang pila upang makasakay sa tren kundi bumaba sa EDSA at makipagsiksikan sa mga bus para makarating sa kanilang destinasyon.
Dalawang hindi nakikilalang lalaking pasahero ng MRT ang napaulat na nagsuntukan matapos magkainitan sa pag-uunahan sa pagsakay ng bus sa EDSA.
Ganap na 7:10 ng umaga nang bumalik sa normal ang operasyon ng MRT matapos maayos ang problema.
Ngunit, muling nagngitngit sa galit ang mga pasahero nang dakong 1:30 ng hapon ay nagkaroon na naman ng problema ang signaling system ng MRT sa Taft Avenue Station. Agad na nagpatupad ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren mula sa North Avenue Station hanggang Shaw Boulevard Station at pabalik lang.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa malinaw kung anong oras maibabalik sa normal na operasyon ang MRT.
BAGONG MAINTENANCE PROVIDER
Samantala, kasabay ng aberya ang paghahayag naman ni Department of Transportation and Communications (DoTC) Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya ng bagong maintenance provider ng MRT – ang joint venture ng Busan Transportation Corporation, Edison Development & Construction, Tramat Mercantile In, TMI Corp, Inc at Castan Corporation.
Sa isang press conference, sinabi ni Abaya na nasa bansa ang mga eksperto ng Busan upang pamahalaan ang pagpapatakbo sa MRT.
“We are one step closer to having a safer and more reliable MRT-3 system with our new world-class rail maintenance service provider. With the operator of the Busan railway network in South Korea sharing their technical expertise, the riding public can expect an increase in the number of running trains and the efficiency of operations,” wika ni Abaya.
Bukod sa pagsasakatuparan sa maintenance requirements, sakop din ng P3.81-B kontrata ang general overhaul ng 43 bagon sa buong panahon ng kasunduan, at ang total replacement ng signaling system sa loob ng 24 na buwan.
(Mac Cabreros, Bella Gamote)