ANG selebrasyon ng KaliboAti-Atihan, na kinikilalang Mother of all Philippine Festivals, ay opisyal na magsisimula sa Linggo at magtatapos sa ikatlong Linggo ng Enero, ngayong taon.
Itinuturing na isa sa pinakakakaiba at pinakamakulay, ang KaliboAti-Atihan ay kinikilala bilang pagdiriwang ng kapayapaan at payapang pamumuhay kasama ng mga katutubo ng Panay at mga mananakop na Malay mula sa Borneo noong ika-13 siglo. Isa rin itong selebrasyon ng pagdakila sa bagong silang na Hari na si Señor Sto. Niño.
Ang isang-linggong kapistahan ay dinadagsa ng libu-libong deboto at turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung popularidad ang pagbabatayan, daig ng Ati-Atihan ang mga festival ng Rio de Janeiro ng Brazil at ng New Orleans sa United States of America.
Ipinagdiriwang sa bayan ng unang Pilipinong Arsobispo ng Maynila na si Msgr. Gabriel M. Reyes at lalawigang pinagmulan ni Jaime L. Cardinal Sin, sumikat ang Ati-Atihan dahil sa mga pagsisikap ng yumaong si Kalibo Mayor Federico O. Icamina, na nag-imbita sa mga Amerikano at iba pang dayuhan upang makisaya sa Ati-Atihan noong huling bahagi ng dekada singkuwenta at sisenta.
Sa kasalukuyan, nahihirapan ang mga airline company na tanggapin ang lahat ng bookings ng mga deboto, panauhin, at turista. Karaniwan nang fully booked ang mga hotel ilang buwan bago ang aktuwal na selebrasyon. Ang mga hindi makasasakay sa eroplano ay maaaring magbiyahe sa lupa, gaya ng mga air-conditioned bus mula sa Cubao o Pasay, o ang walong-oras na biyahe ng bangka mula sa Batangas hanggang Caticlan (malapit sa Boracay Island). Mula sa Caticlan, aabutin lang ng isa at kalahating oras ang biyahe patungong Kalibo.
Kung wala kayong kamag-anak o kakilala, ang pinakamainam na paraan ay ang humanap ng matutuluyan sa mga pension house at sa tahanan ng mababait na residente sa espesyal na arrangement, sa tulong ng pamahalaang bayan ng Kalibo.
Ang pangasiwaan ng KaliboAti-Atihan, na minsan ko nang pinumunuan bilang Kalibo OIC-Mayor, ay nasa ilalim ng pamumuno nina Kalibo Mayor William S. Lachica, Vice Mayor Madeline Ang-Regalado, Albert A. Menez, pangulo ng Ati-Atihan Foundation, sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panglalawigan ng Aklan, sa pangunguna nina Gov. Joeben T. Miraflores at Vice Gov. Bellie V. Calizo-Quimpo.
Maraming organisasyon, kabilang ang mga barangay, non-government organization, sektor ng relihiyon, negosyante, cultural at professional groups, at educational institutions ang aktibong nakikibahagi sa pinakatanyag na kapistahan sa bansa. (JOHNNY DAYANG)