ALINSUNOD sa Presidential Proclamation No. 2250 s. 1982, ang Enero 1-7 ng bawat taon ay ginugunita bilang National Banking Week. Binibigyang-diin ng proklamasyon ang mahalagang papel ng mga bangko sa pagsusulong ng ating bansa.

Inaatasan sa Bangko Sentral ng Pilipinas Circular Letter No. CL-2015-074 ang industriya ng pagbabangko “to promote more vigorously the benefits derived by our communities from banks” dahil ito ay “imperative to convey the important role that banks play in the lives of our people, economy, and our country as a whole.”

May temang “Kabuhayan ay Palawigin, Masusing Pagbabangko ay Ugaliin”, layunin ng National Banking Week ngayong linggo na maitaguyod ang kamulatan ng publiko na ang tanging magiging bahagi ng industriya sa pagbabangko ay upang “accelerating the country’s economic programs… through financial intermediaries” kung tuluy-tuloy itong tatangkilikin ng mamamayan, at maisusulong, mapagtitibay, at mapapanatili ang pagtutulungan para sa layuning ito.

Nagkakaloob ang mga bangko at mga financial institution ng kumbinyente, maginhawa, at ligtas na access sa pera at pautang para sa negosyo at oportunidad sa pagkakakitaan at pamumuhunan. Nagkakaloob din ito ng mga payong teknikal kung paano mapasisigla ang pamumuhunan. Isinusulong din ang nakaugaliang pag-iimpok sa bangko at paggamit sa mga pasilidad nito upang mapanatili o mapaunlad ang kabuhayan at negosyo. Ang mga bangko ang pinakaligtas na lugar para paglagakan ng pera dahil matindi ang ipinatutupad nitong seguridad laban sa mga nakapipinsalang pangyayari, gaya ng sunog at baha, mga daga at mga insekto. May seguro rin ang mga deposito sa bangko sa pamamagitan ng Philippine Deposit and Insurance Corporation.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagdiriwang ng industriya ng pagbabangko ng National Banking Week 2016, nahaharap din ito sa hamon ng paghahanda para sa inaasahang financial integration sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Kumpiyansa si Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando M. Tetangco, Jr. na ang sistema ng pagbabangko sa Pilipinas ay “clearly in a position of strength as an industry and, individually our banks have been enlarging their domestic footprint – constructing brick and mortar branches outside of the greater metropolis, creating other banking offices, which are scaled-down bank operations, and capitalizing on e-banking technology.”

Binabati natin ang mga opisyal at kawani ng iba’t ibang bangko at financial institutions sa Pilipinas, sa pangunguna ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando M. Tetangco, Jr., sa kanilang matatag na pagtutulungan at napapanatiling pagsisikap sa pag-aambag para sa mas mabuting kalidad ng pamumuhay ng lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng industriya ng pagbabangko, at sa pagpapaibayo sa tungkulin ng mga bangko at mga financial intermediary sa pagpapaunlad ng ekonomiya at ng ating bansa sa kabuuan.