Tatlong mahistrado ng Supreme Court (SC), na miyembro rin ng Senate Electoral Tribunal (SET), ang nag-inhibit sa kaso na kumukuwestiyon sa desisyon ng SET na unang nagdeklara na si Sen. Grace Poe ay isang natural-born citizen at kuwalipikado bilang isang miyembro ng Senado.

Ang tatlong mahistrado—sina Antonio T. Carpio, Teresista J. Leonardo-de Castro, at Arturo D. Brion—ay hindi pumabor sa naturang desisyon ng SET kasama si Sen. Nancy Binay.

Maging si Poe ay hiniling na mag-inhibit sina Carpio, De Castro at Brion sa dalawang petisyon na kumukuwestiyon sa pagkakadiskuwalipika sa senadora ng Commission on Elections (Comelec) bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2016, base sa isyu ng citizenship at 10-year residency requirement.

Sa isang pahayag, sinabi ni George Garcia, abogado ni Poe, na na-prejudge na ng tatlong mahistrado ang kaso nang maghayag sila ng desisyon na hindi pabor sa mambabatas, partikular sa isyu ng citizenship.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Iginiit naman ni Garcia na hindi kinukuwestiyon ni Poe ang integridad nina Carpio, De Castro at Brion subalit ang kanilang hakbang ay may kaugnayan sa kanilang pagiging miyembro ng SET.

Kasabay nito, dinepensahan ng Office of the Solicitor General ang desisyon ng SET at hiniling sa Kataas-taasang Hukuman na katigan ang naging kautusan ng Senate tribunal na pumapabor kay Poe.

Sa isinumiteng komento sa SC, sinabi ni Solicitor General Florin Hibay na si Poe ay isang natural-born Filipino citizen base sa kanyang pisikal na anyo at sa mga naganap makaraang siya ay abandonahin hanggang sa mapulot sa isang simbahan sa Iloilo City noong Setyembre 3, 1968. (Rey G. Panaligan)