DAHIL tapos na ang taong 2015 at naririto na ang 2016, nais kong ulitin ang kapirasong tula na nagsasabing: “Tapos na ang lahat/ lahat ay natapos sa iisang iglap/ sa akin nalabi/ ay ang tanging hangad/ na magbagong-buhay sa Bagong Daigdig ng mga pangarap.” Totoo bang ang 2016 ay Year of the Monkey (Matsing)? Sana, ang Pilipinas ay hindi ma-unggoy ng mga kandidato na bumibili ng boto sa mamamayan!

Matapos makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Supreme Court (SC), gusto naman ngayon ni Sen. Grace Poe na ma-inhibit ang tatlong mahistrado ng SC na lumahok sa pagdinig ng kanyang disqualification cases. Ito ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo Castro at Arturo Brion.

Silang tatlo ay nagpasiyang hindi kuwalipikado si Sen. Grace na tumakbo sa pagkapangulo sapagkat hindi naman siya isang natural-born citizen at kulang ang panahon ng paninirahan sa bansa. Sa botohan sa Senate Electoral Tribunal (SET) na pinaghainan ng disqualification charge ni 2013 defeated senatorial bet Rizalito David, bumoto sina Carpio, Castro at Brion na walang karapatang kumandidato si Poe.

Gayunman, limang senador ang pumabor kay Sen. Grace kaya’t panalo siya sa SET. Sa 2nd Division ng Comelec, naghain naman ng disqualification case si ex-GSIS counsel Estrella Elamparo. Talo rito si Sen. Poe at maging sa inihaing disqualifcations cases nina ex-Sen. Francisco Tatad, ex-UE law dean Amado Valdez at Prof. Antonio Contreras sa 1st Division. Natalo rin si Grace sa en banc decision ng Comelec kung kaya isinampa niya ang kaso sa SC upang pigilin ang lupon na kanselahin ang kanyang kandidatura.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Alam ba ninyong si David ay naghain din ng certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo, pero siya ay idineklarang nuisance candidate ng Comelec? Bukod dito, itinanggi rin ng Ang Kapatiran Party. Kapwa pinabulaanan nina Gunless Society founder Nandy Pacheco at ng pangulo ng Kapatiran na si Norman Cabrero na nominado nila si David. Ang Kapatiran Party ay nagsusulong sa pag-boykot sa 2016 election.

Tungkol sa inhibition nina Carpio, De Castro at Brion, sinabi noon ni Carpio na siya at dalawa niyang kasama ay malamang na mag-inhibit kapag ang SET case ay isinampa sa SC dahil hindi nila puwedeng ma-review ang kanilang mga sariling desisyon.

Sa Year of the Monkey, naniniwala pa rin ang mga Pinoy na ang 2016 ay magiging maganda sa kabila ng katakut-takot na problema at krisis nitong 2015. Iyan ang naging resulta ng surveys ng Pulse Asia at Social Weather Stations: 9 sa 10 Pinoy ay nanatiling “hopeful” o puno ng pag-asa sa 2016.

Hindi ba’t may kasabihang habang nabubuhay ay may pag-asa? (BERT DE GUZMAN)