HABANG inihahanda natin ang ating mga sarili sa pagsalubong sa 2016, nang may pag-asang magbibigay-daan ito sa mas magagandang oportunidad at mas mabuting kondisyon ng ekonomiya at lipunan para sa mga Pilipino, balikan natin ang mga nangyari noong 2015, bago pa maging bahagi ang mga ito ng makulay na kasaysayan ng ating bansa.
Mahalagang mabanggit na sa kabila ng mga hindi kagandahang nangyari noong 2015, gaya ng insidente sa Mamasapano, malalakas na bagyong ‘Frank’, ‘Lando’, at ‘Nona’, malalaking sunog gaya ng tumupok sa isang pabrika ng tsinelas sa Valenzuela, hindi nareresolbang kontrobersiya sa Spratlys, at paglubha ng kriminalidad sa bansa, marami pa ring bagay ang dapat na ipagpasalamat ng mga Pilipino at dapat na balikan sa alaala sa pamamaalam ng 2015.
Sinalubong ng Pilipinas ang taon sa pagbisita ng Kanyang Kabanalan, Pope Francis, na labis na ikinaligaya ng maraming Pilipino. Sa taong din na ito, naging punong abala ang Pilipinas sa 2015 Asia-Pacific Economic Cooperation Summit, na nagtapos sa APEC Economic Leaders Meeting. Nasaksihan din natin ngayong taon ang pagpapalit ng academic calendars ng tatlong malalaking eskuwelahan—ang Ateneo de Manila University, De La Salle University, at University of Santo Tomas upang makipagsabay sa iba pang bansang ASEAN at mga international partner academic institution para higit na makaagapay sa mundo.
Isang napakalaking pagtaas sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nagpahayag sa pagtaas ng GDP sa 6% para sa ikatlong quarter, isang malaking pag-angat mula sa 5.8% ng sinusundang quarter at 5.5% ng kaparehong panahon noong 2014. Tinawag na pinakamabilis ngayong taon para sa ekonomiya ng Pilipinas, ang pagtaas ay tinukoy na dahil sa pagsigla ng sektor ng serbisyo, pagbuti ng paggastos ng gobyerno, at matatag na paggasta ng pribadong sektor.
Kasunod ng paglulunsad ng Jubilee Year of Mercy na pinangunahan ni Pope Francis nang buksan niya ang dambuhala at tansong Banal na Pinto ng St. Peter’s Basilica upang pormal na ilunsad ang isang-taong “revolution of tenderness,” pinangunahan naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle ang pagbubukas ng Porta Sancta o Banal na Pinto ng Manila Cathedral nitong Disyembre 9 bilang hudyat ng pagsisimula ng Jubilee Year of Mercy sa Pilipinas.
Nasaksihan din ngayong taon ang pagtatagumpay ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan sa international competitions.
Kabilang sa mga Pilipinong ito ang grupo ng mga estudyante mula sa mga pampubliko at pribadong paaralang elementarya at sekundarya sa Metro Manila na naging pangkalahatang kampeon sa 2015 Singapore International Math Competition (SIMC) sa Lion City, matapos silang mag-uwi ng 31 gintong medalya, 60 pilak, at 125 tanso; ang XB GenSan, isang hip-hop dance group, na nagwagi sa World Streetdance Showcase Championship 2015 sa Zurich, Switzerland; ang #UPeepz, isa pang hip-hop group mula sa UP Diliman College of Human Kinetics, na tinalo ang mahigit 150 iba pang grupo sa World Supremacy Battlegrounds, na tinawag na “the most dynamic” at “the biggest and most prestigious international street dance competition in the Southern Hemisphere”; at ang Bobcats ng Central Colleges of the Philippines na nanalo ng ginto pinakamahalagang dibisyon, ang open COED elite, sa 2015 Cheerleading Association Register of Malaysia (CHARM). Samantala, ang ALA boxers na sina Donnie Nietes, Albert at Jason Pagara, at Mark Magsayo ay nagtagumpay naman laban sa kanilang mga kalabang Latino sa Pinoy Pride 33: Philippines vs. The World sa Amerika.
At siyempre pa, humabol sa mga tagumpay ng 2015 at nag-iwan ng ngitin sa labi ng bawat Pinoy at naghatid ng pagmamalaki sa ating mga puso ang pagkakapanalo ng korona sa Miss Earth at Miss Universe nina Angelia Gabrena Ong at Pia Alonzo Wurtzback, ayon sa pagkakasunod.
Sa ating pamamaalam sa napakaraming magagandang nangyari at katangi-tanging pagtatagumpay noong 2015, salubungin natin ang 2016 ng mga panalangin at hiling na magbibigay-daan ito para sa mabuting kalusugan, kapayapaan, at kaginhawahan para sa bawat Pilipino.