CARRANGLAN, Nueva Ecija - Hindi na makakapasok pa sa eskuwelahan mula sa Christmas break ang isang 17-anyos na lalaki matapos siyang masawi nang mabundol ng rumaragasang Nissan Patrol habang tumatawid sa national highway sa Sitio Pulo sa Barangay Joson, nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng Carranglan Police ang biktimang si Kenneth Galang y Angoya, residente sa nasabing lugar, na nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, dakong 2:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente matapos na hindi mapansin ng binatilyo ang paparating na sasakyan sa kanyang pagtawid sa lugar.

Ayon sa driver ng Nissan Patrol (WNO-511) na si Arcilo Luta y Andalajao, 42, ng MVG, Parañaque City, hindi agad kumagat ang preno ng sasakyan kaya nahagip pa rin ang biktima.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Isinugod ni Luta ang binatilyo sa Heart of Jesus Hospital sa San Jose City subalit binawian din ito ng buhay.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kasong isinampa laban kay Luta. (Light A. Nolasco)