BAGAMAT initsapuwera o dini-Q ng Commission on Election si Sen. Grace Poe, siya ay mananatiling kasama sa listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo. Ipinaliwanag ni Comelec Chairman Andres Bautista na kinatigan ng Comelec ang mga naunang disqualification case ng First Division at Second Division, pero hindi nila tinatanggal ang pangalan ng senadora sa listahan ng mga kandidato.
“Sa ngayon, ang pangalan niya (Poe) ay nasa balota pa. Kasama pa siya sa listahan,” pahayag ni Mang Andres matapos ideklara ang diskuwalipikasyon ni Sen. Grace noong Miyerkules. Pinuna ng kampo ni Poe kung bakit itinaon pa sa Pasko ang pagdedeklara ng diskuwalipikasyon, gayong alam ng Comelec na maraming araw na walang pasok ang Supreme Court, na paghahainan ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) upang hindi maging executory ang desisyon ng lupon.
Sa kabila ng lahat, nagtabla sina VP Jejomar Binay at Sen. Grace sa presidential survey ng Social Weather Stations (SWS) at Business World (BW) nitong Disyembre 12-14, 2015. Kapwa sila nagtamo ng tig-23%. May 1,200 respondents ang kinapanayam ng SWS-BW, na may sampling error margins na plus or minus na tatlong porsiyento.
Si ex-DILG Sec. Mar Roxas ang pangatlo, na tumanggap ng 22%; at si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay may 20%. Si Sen. Miriam Defensor-Santiago naman ay nagtamo ng apat na porsiyento, habang si ex-Ambassador Roy Señerez ay zero.
Siyanga pala, nagpaabot ng Merry Christmas si Mayor Digong sa mga drug dealer, kriminal, magnanakaw, tiwaling opisyal at mga mapang-api sa mahihirap kasabay ang babalang magbago na sila dahil kung hindi, ito na raw ang kanilang huling Merry Christmas. Ang ganitong matitigas na pahayag ang umaakit ng boto para sa machong alkalde.
Gayunman, nang murahin niya si Pope Francis dahil naipit lang siya sa trapiko, biglang nawalan ng gana ang taumbayan sa kanya.
***
Sa pamamagitan ng kolum na ito, nais kong ipaabot sa lahat, kabilang sa mga bumabasa nito, ang pagbati ng MASAYANG PASKO at MAPAYAPANG BAGONG TAON! Nagdaan na ang Pasko 2015. Sana ay maging tahimik ang ating bansa. Piliin natin ang mga kandidato na magiging tunay na leader ng Pilipinas at hindi iyong ang aalagatain ay ang kanilang personal na kaginhawahan, kasikatan at pagpapayaman! (BERT DE GUZMAN)