SA liturgical calendar ng Simbahan, ngayong huling Linggo ng Disyembre ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Holy Family o Banal na Pamilya—na binubuo ni Jesus, ng Mahal na Birheng Maria, at ni San Jose.

Ipinagdiriwang taun-taon ang Kapistahan ng Banal na Pamilya tuwing Linggo pagkatapos ng Pasko. Nagsimula ang Kapistahan ng Banal na Pamilya noong ika-17 siglo nang palakasin ang debosyon sa Sagrada Familia. Ito ay pinagtibay ni Pope Leo XIII noong 1893 at pinalawak ng buong Simbahang Romano noong 1921. Dati, ang kapistahan ay ipinagdiriwang matapos ang Epiphany o Pista ng Tatlong Hari ngunit matapos baguhin ng Second Vatican Council ang liturgical calendar, ang Kapistahan ng Banal na Pamilya ay inilipat sa Linggo, sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon.

Pangunahing layunin nito na ipakita ang Banal na Pamilya bilang huwaran para sa ating lahat, partikular ang kanilang pagkakaisa at pagmamahalan. Ang kapistahan ay pagdiriwang din ng sarili nating pamilya. Tulad ng karaniwang pamilya, dumanas ng mga pagsubok ang Banal na Pamilya ngunit napagtagumpayan nila ito dahil sa kanilang pananampalataya at pagmamahal sa isa’t isa. Mababanggit na halimbawa ang pagsubok na binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo (3:13-33).

Sinasabi na ang Banal na Pamilya ay mga refugee. Tumakas sila patungong Ehipto upang iwasan ang kasamaan ni Haring Herodes, at nailigtas ang buhay ni Jesus. Ipinag-utos ni Haring Herodes ang pagpugot sa mga sanggol sa Bethlehem makaraang hindi na bumalik sa kanya ang Tatlong Hari, dahil na rin sa takot niyang maagawan ng kapangyarihan sa balitang isinilang ang sanggol na magiging hari.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa iniibig nating Pilipinas, sinasabing ang Pasko ay isang pampamilyang pagdiriwang, mula sa Noche Buena hanggang sa pagdalaw ng mga kamag-anak. At ang Pasko ay angkop na panahon upang masusing isipin ang kahalagahan ng pamilya, sapagkat ang pamilya ang humuhubog sa kinabukasan ng sangkatauhan.

Ang pamilya ay matibay na pundasyon at halimbawa ng pagkakaisa. Nakasalalay dito ang magandang bukas ng mga anak, habang ang ina at ama naman ang magsisilbing huwaran at kanilang inspirasyon. Kailangang tibayan ang pangako na mapanatili ang pamilya bilang isa sa pinakamahahalagang kayamanan sa lupa at basic unit ng ating lipunan.

Napapanahon na muling matuklasan ang kahalagahan ng pamilyang Kristiyano at ang yaman ng buhay, kapayapaan, galak, kabanalan at pag-ibig. (CLEMEN BAUTISTA)