Donaire_JPEG (banner photo) copy copy

Sigurado na ang pagdepensa ni bagong WBO super bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr., sa kanyang titulo laban kay dating IBF featherweight titlist Evgeny “Russian-Mexican” Gradovich sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City sa Abril.

Lumagda si Donaire ng bagong kontrata para sa tatlong laban sa 2016 kay Top Rank promoter Bob Arum na kaagad inireto si Gradovich na sinang-ayunan naman ng Pinoy boxer na nanggaling sa mahirap na panalo sa napakatibay na si Cesar Juarez ng Mexico.

Ayon kay Donaire, mananatili ang kanyang pamilya sa Pilipinas hanggang sa Pebrero pero kung matutuloy ang hiniling niya na depensa ng WBO title sa Maynila ay dito na siya magsasanay lalo’t kabisado na niya ang estilo ni Gradovich na naging sparring partner niya.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Gradovich is like Cesar Juarez. He keeps coming forward and throws a lot of punches even when retreating but he doesn’t have too much power,” ang sabi ni Donaire hinggil sa Russian na may kartadang 20-1-1 win-loss draw at may naitalang 9 na panalo sa knockout at naninirahan ngayon sa Oxnard, California, USA.

“Kahit sino naman ang iharap sa akin ng Top Rank, lalabanan ko,” giit ni Donaire na may 36-3-0 win-loss-draw record, 23 sa pamamagitan ng knockouts. “I’m ready to train, ready to go.”

Gusto rin ni Donaire na mapag-sama-sama ang lahat ng titulo sa super bantamweight division kaya’t hahamunin niya ang mananalo sa unification bout nina IBF champion Carl Frampton at WBA titlist Scott Quigg kapwa ng United Kingdom sa Pebrero 27 sa Manchester Arena sa London.

“You know me; I’m here to conquer the division. Every division I go to, I always want to conquer it,” dagdag ni Donaire na gusto ring magkaroon ng rematch kay RING magazine super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba. “I’m always open for that. Again, I always said this to everybody else. In order for him to convince me that he’s better than me, he has to do it twice. I will most likely give him the same option, so I’m always down for that.” (Gilbert Espeña)