“PISTA ng mga Ibon sa Bataan”. Dumagsa sa isang malawak na wetland sa bukana ng dagat sa Balanga City ang libu-libong iba’t ibang uri ng ibon mula sa iba’t ibang dako ng bansa at mga dayuhang ibon para marahil ay magpahinga sa naturang lugar.

Kaya muli ay idinaos sa lungsod ang ika-10 Philippine Bird Festival na dinayo ng libu-libong mahilig sa mga ibon.

Ang Bird Festival ay pista na rin ng mga bird enthusiast. May mga dalang camera, pinanood nila ang pagkakatuwaan ng iba’t ibang uri ng mga ibon na nagsisipaglaro, nag-aawitan at nagliliparan sa wetland.

Nakakatawag ng pansin ang mga dayuhang ibon na taun-taon ay nagsisidayo sa Bataan at nagbibigay ng sigla sa mga bird watcher, conservationists, nature lovers, at mga estudyante mula sa iba’t ibang lugar na nagtungo sa lungsod para saksihan ang 10th Philippine Bird Festival na tatlong araw na ginaganap taun-taon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang tema ngayon ng festival ay “Ibon at Kalikasan, Kayamanan ng Bayan.”

Layunin ng festival “to raise awareness and appreciation of Philippine Bird and others,” sabi ni Gina Mapua, pangulo ng Wild Bird Club of the Philippines.

Ipinaliwanag pa ni Mapua, “Kung walang ibon ay walang kagubatan, sapagkat sila ang pangunahing tagapagtanim ng mga puno sa mga gubat at kabundukan. They are our ecological friend.”

Ang mga miyembro ng mga naturang samahan at iba pang nagsidayo para manood ng mga ibon ay buong init na tinanggap ni Mayor Jose Enrique “Joet” Garcia III at ng kanyang maybahay.

Sinuportahan at nakiisa rin sa naturang pagdiriwang si Gov. Abet Garcia at nagbigay siya ng makabuluhang mga pahayag bilang punong-lalawigan.

“Ang Pista ng mga Ibon ay nagdulot ng kasiyahan at pakinabang sa aming bayan at lalawigan,” pahayag ni Mayor Garcia.

“Sapagkat dahil sa festival na iyan ay nagkaroon ng dagdag na kaalaman ang mga bata at mga mag-aaral tungkol sa kahalagahan at pakinabang sa mga ibon sa kapaligiran. Dahil dito ay nakikisangkot na ang mga ito sa pag-aalaga at proteksiyon ng kapaligiran, partikular ng kagubatan.” (ROD SALANDANAN)