LEGAZPI CITY – Pinakilos ni Albay Gov. Joey Salceda ang premyadong disaster response group na Team Albay sa mga bayan ng Bulusan at Irosin sa karatig na Sorsogon para umayuda sa mga sinalanta ng bagyong ‘Nona’ sa naturang lalawigan.

Ang grupo ay pinamumunuan ni Dr. Nats Rempillo.

Pinagtibay ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang pagde-deploy nang 10 araw sa Team Albay sa Bulusan at Irosin.

Nitong Biyernes tumulak patungong Sorsogon ang Team Albay, kasama ang Medical Support Group at Water and Sanitation (WatSan) unit na dala ang mga water filtration machine nito. Itatalaga rin ang ibang tauhan nito sa liblib na bayan ng Magallanes kapag maaari nang bumiyahe roon.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nanawagan din ang gobernador sa kanyang mga kalalawigan na gawing simple na lang ang selebrasyon ng Pasko at magtabi ng pantulong para sa mga sinalanta ng kalamidad.

Kasabay nito, umapela rin si Salceda sa iba pa na bumuo at magpadala ng charity missions sa Sorsogon, partikular sa mga bayan ng Bulusan, Irosin, Magallanes, Bulan, Barcelona at Matnog, at kung maaari ay maging sa mga bayan ng Burias, Claveria at San Pascual sa Masbate.