Ni ELENA ABEN at ng PNA

Ilang araw matapos makaalis ng bansa ang bagyong “Nona,” ay nananatiling nakalubog sa baha ang maraming lugar sa Central Luzon.

Ayon sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), aabot sa 115 barangay mula sa Aurora, Bulacan, Nueva Ecija at Pampanga ang lubog pa rin sa baha sa kabila ng pagbuti ng panahon sa rehiyon nitong nakaraang dalawang araw.

Iniulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, na umabot na sa P2,070,034,469.20 ang halaga ng ari-arian at imprastraktura ang nasira sa hagupit ng bagyong “Nona.”

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi rin ng NDRRMC na nasa P1,836,065,865.20 ang nasalanta sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, nakapagpalala ng baha sa Pampanga at Bulacan ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam kamakalawa.

Aabot sa pitong talampakan umano ang baha sa 46 barangay sa Arayat, Candaba, Apalit, San Luis, San Simon, at Macabebe, sa Pampanga.

Nakadagdag din sa kalbaryo ng mga residente ng Pampanga at Bulacan ang baha na nanggaling sa Aurora at Nueva Ecija.

Ang Candaba ang itinuturing na may pinakamalalang sitwasyon kung saan 17 barangay ang lubog pa rin sa baha, dahilan upang isailalim ng mga lokal na opisyal ang mga ito sa state of calamity.

Sa Bulacan, halos hindi pa rin humuhupa ang baha sa 14 barangay sa San Miguel, Calumpit, Hagonoy at Pulilan bunsod ng “backflood” na nanggaling sa Nueva Ecija at Pampanga.