IBANG klase ring mag-trip si Mother Lily Monteverde dahil eksaktong alas dose ng hatinggabi nagsimula ang advance screening ng kanyang MMFF entry na Haunted Mansion noong Biyernes sa Greenhills Theater.

Ang naging running joke ng press, sinadyang hatinggabi ang advance screening na tumapat pa ng Biyernes para ramdam na ramdam ang pananakot ni Iza Calzado bilang si Amara na nagmumulto at pumapatay sa mga taong gumagambala sa kanya sa Haunted Mansion.

In fairness, ilang beses kaming nagtakip ng mukha habang nanonood at nagkasya na lang sa mga naririnig na hiyawan, sigawan, nakakatakot at nakakagulat na tunog ni Francis Concio na unang beses nakatrabaho ni Direk Jun Robles Lana na galing na galing naman sa anak ni ABS-CBN outgoing President/CEO Charo Santos-Concio.

Nasanay na kami sa Shake Rattle and Roll series ng Regal na bagamat horror ay may nakakatawa pa ring parte at maiikli ang istorya dahil trilogy.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

Bukas ang third eye ni Janella Salvador bilang si Ella at dahil marami siyang nararamdaman at nakikita sa paligid niya ay napagkakamalan siyang weirdo ng mean girls na sina Devon Seron, Ingrid de la Paz at Eliza Pineda na effective sa kanilang papel.

Best friend ni Ella (Janella) si Sharlene San Pedro na tagapagtanggol niya at tagalakad sa dalawang lalaking may gusto na sina Jerome Ponce (Jacob) at Marlo Mortel (Adrian).

Si Lilet ang nanay ni Janella at si Allan Paule ang namatay na ama dahil nu’ng saniban ng masamang espiritu si Ella ay nakapatay siya.

Nagkaroon ng retreat ang buong klaseng tinuturuan nina Janice de Belen at Sue Prado sa Mansion House (pag-aaring tunay ng Marcoses na matatagpuan sa Tagaytay via Casile Road).

Sina Iza at LJ Reyes ang may-ari ng mansion at umiibig sa hardinero nilang si Joem Bascon na ang mahal naman ay ang huli at nagbunga ang kanilang pagmamahalan.

Labis itong ikinagalit ni Iza at sinaktan nang husto si LJ at ikinalat na ni-rape siya ni Joem na ipinahuhuli sa mga pulis, at kaya nagtago sa sobrang takot. Napatay ng taumbayan si Joem at nagpakamatay si LJ, pero nangumpisal muna sa kanilang kapilya at ikinuwento ang buong katotohanan na hindi siya nilapastangan ng boyfriend niya at kagagawan ang lahat ng ate niya.

Sa istorya, may black magic si Iza dahil ibinenta na nito sa demonyo ang kaluluwa para magkaroon ng power at lahat ng nagiging bisita sa mansion ay pinapatay niya dahil hindi matahimik ang kanyang kaluluwa.

Maraming struggle kay Iza ang mga bida sa Haunted Mansion at hindi na namin buuin ang kuwento para hindi ma-preempt ang mga manonood sa December 25.

Maganda ang pagkakalahad ng kuwento ng Haunted Mansion na sinulat nina Direk Jun, Renato Custodio at Marlon Miguel at pinagdugtong-dugtong naman ni Elmer Gatchalian kaya walang loopholes.

Tawa kami nang tawa sa kuwentong galit na galit na raw si Mother Lily kay Direk Jun dahil napakagastos niyang direktor sa rami ng requirements para mapaganda ng husto ang pelikula.

Hindi naman kasi umulan o bumagyo nang i-shoot ang Haunted Mansion na umabot sa 26 days pero nagkaroon ng baha sa buong paligid ng bahay.

“Naghukay ng lupa hanggang baywang at saka binuhusan ng tubig ang buong paligid, hindi mo naman puwedeng dayain kasi mahahalata, kaya doon pa lang, magastos na. Plus effects pa dahil hindi naman puwedeng pasabugin at sunugin mo talaga ang mansion,” kuwento ng partner ni Direk Jun na si #LolaBasyang.com at #ParangNormalActivity director na si Perci Intalan.

Pilit naming inalam kung magkano ang production cost ng Haunted Mansion pero ayaw sabihin ni Mother Lily.

Hindi na makukuwestiyon ang technical aspects ng Haunted Mansion dahil forte ito ni Direk Jun Lana.

Pasado naman si Janella sa kanyang launching movie niya dahil marunong namang umarte at ang ganda ng rehistro niya sa malaking telon na kung minsan ay kahawig ni Julia Barretto.

Sinabi ni Janella sa kanyang solo presscon na kabado siya since horror ang launching movie niya, pero naniniwala siyang lalaban ang Haunted Mansion sa mga pelikulang pinagbibidahan ng malalaking artista.

Ang iba pang mga kasama sa pelikula ay sina Dominic Ochoa, Phytos Ramirez, Paulo Gumabao at Vangie Labalan.

Tiyak na mag-eenjoy na naman ang mahihilig sa suspense-horror sa Haunted Mansion dahil nakakatakot at nakakagulat talaga. (REGGEE BONOAN)