Matapos magpatupad ng iba’t ibang taktika upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga sasakyan sa EDSA ngayong holiday season, isang bagay ang pinagbubuntunan ng sisi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)—ang sobrang dami ng dumaraang behikulo sa 23.8-kilometrong lansangan.
Sinabi ng MMDA na base sa kanilang obserbasyon, mahigit 400,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA kada araw bagamat ang kapasidad nito ay nasa 160,000 lang.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, ito ang dahilan ng pagsisikip ng trapiko na nararanasan araw-araw, lalo na ngayong papalapit ang Pasko.
Sa 400,000 behikulong dumaraan sa EDSA, 80-90 porsiyento ay pribado.
Bago ang holiday season, sinabi ng MMDA na halos 260,000 sasakyan ang dumaraan sa EDSA.
Kabilang sa mga nakadagdag sa bilang ng mga sasakyan sa EDSA ay mga magtutungo sa mga Christmas party sa mga eskuwelahan at trabaho, pagde-deliver ng regalo, mga dumarayo mula sa probinsiya, at pagdagsa ng mga cargo truck na puno ng kalakal.
Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng MMDA ang paggamit ng 17 alternatibong ruta ng Mabuhay Lane ngayong Pasko.
Ipinatigil din ng ahensiya ang lahat ng road repair sa EDSA mula Disyembre 14 hanggang Enero 3 upang hindi makapagpalala sa trapiko. (Anna Liza Villas-Alavaren)