Umiskor ng kagulat-gulat na 2nd technical knockout victory si WBO No. 2 bantamweight contender Marlon Tapales ng Pilipinas laban sa Hapones na si WBO No. 1 Shohei Omori sa 12-round eliminator bout kamakalawa ng gabi sa Shimazu Arena sa Kyoyo, Japan.
Sa pagwawagi ni Tapales, may karapatan siyang hamunin si WBO bantamweight titlist Pungluang Sor Singyu ng Thailand sa susunod na taon matapos ang depensa nito sa Pilipino rin at WBO No. 5 Jetro Pabustan sa Enero 15 sa Bangkok.
Nabatid na minaliit ni Omori na may perpektong rekord na 15 panalo, 10 sa pamamagitan ng knockouts, ang kakayahan ni Tapales kaya tatlong beses siyang bumagsak sa unang round pa lamang ng laban.
Pagdating ng 2nd round, tinamaan ni Tapales ng matinding right hook si Omori na masyadong popular sa Japan kaya na-groggy at bumagsak sa ibabaw ng lonang parisukat. Nagpasiya ang Amerikanong referee na si Lou Moret na wala nang kakayahan ang Hapones na idepensa ang sarili kaya itinigil niya ang laban sa 2nd round upang ibigay ang panalo sa Pinoy boxer.
Napaganda ni Tapales ang kanyang record na 28-2-0 win-loss-draw na may 11 panalo sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Omori sa 15-1-0 win-loss-draw na may 10 pagwawagi sa knockouts. (gilbert espeÑa)