“UMASTA kayong world class,” wika ni dating Pangulong Fidel V. Ramos kina presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte at Sec. Mar Roxas. Kasi naman, sa halip na problema ng bansa ang kanilang pagdebatihan eh, naghamunan ng sampalan at suntukan. Nag-ugat ang kanilang bangayan at hamunan nang sabihin ni Roxas na ang ipinagmamalaki ni Duterte na mapayapang lungsod ng Davao ay kathang isip lamang. Ayon kay Roxas, batay sa record ng Philippine National Police (PNP), pang-apat ang Davao City sa may pinakamaraming naitalang krimen. Una raw ang Maynila, ikalawa ang Quezon City, at ikatlo ang Zamboanga City. Hindi si Roxas ang dapat magsabi nito, ayon kay Duterte. Ang mga taga Davao City, aniya, ang higit na nakakaalam nito.
Ang problema, napikon si Duterte. Pinairal niya ang kanyang kabruskuhan. “Ang talagang kathang isip,” aniya, ”ay ang Wharton degree ni Roxas.” Hindi umano nakatapos si Roxas sa Wharton School of Economics sa Pennsylvania. Sasampalin daw niya si Roxas kapag nagkita sila. Hamon naman ni Roxas na kapag hindi totoo ang degree niya sa Wharton, hahayaan daw niyang sampalin siya ni Duterte. Pero kung walang mapatunayan si Duterte sa pinagsasabi niya ay siya naman umano ang sasampal sa alkalde ng Davao. Hanggang sa mapikon na rin si Roxas at hinamon na si Duterte ng suntukan.
Dapat sundin ng lahat ng kumakandidato sa panguluhan ang payo ni dating Pangulong Ramos. Ang sinumang magwagi sa kanila ay pinuno ng bansa. Kinakatawan niya ang sambayanan. Ang talim ng kanyang isip at hindi lakas ng braso ang kailangan nila sa paglutas ng kanilang problema. Kaya lang, may mga pagkakataon na hindi maiwasan ang mga ganitong iringang nagaganap kina Duterte at Roxas. Kapag kasi binato ng isyu ang isang kumakandidato, tulad ng ginawa ni Roxas kay Duterte, mahirap makapagtimpi kung inaalipusta naman ang iyong pagkalalaki. Sa halip na sagutin mo ang isyung ipinukol sa iyo eh, mananampal ka dahil hindi umano ito totoo. Ang ganitong pamamaraan ni Duterte ay hindi naaayon sa malusog na debate na magpapalinaw sa taumbayan.
Para sa akin, kapuri-puri ang ginawa ni Roxas. Kilala siyang nagbuhat sa pamilya ng mga elitista at hindi inaasahan na siya ay makikipagbangayan. Pero iyong bumaba siya sa kategorya ni Duterte para salubungin ang karahasan at pananakot nito, iniangat niya ang kanyang sarili. Kaya rin pala niyang lumaban lalo na sa taong walang ipinagmamalaki kundi ang pumatay. Okay ka, Roxas! (RIV VALMONTE)