CABANATUAN CITY - Dahil sa walang humpay na pag-ulan sa buong magdamag na dulot ng bagyong ‘Nona’, nalubog sa baha ang mabababang lugar sa 89 na barangay sa lungsod na ito.
Kabilang sa mga binahang barangay ang Mabini Extension, Kapitan Pepe Subdivision, at Nabao, kasunod ng pag-apaw ng sapa sa lugar.
Binaha rin ang mabababang kalsada, gayundin ang mga palayan malapit sa Daang Maharlika.
Naging madalang din ang pagpasada ng mga bumibiyaheng pampasaherong jeepney dahil sa malakas na ulan.
Bagamat idineklarang walang pasok sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa siyudad, may mangilan-ngilan din na nagsipasok sa mga tanggapan.
Kaugnay nito, nagsipaghanda na rin ang mga tanggapan ng Provincial, City at Municipal Risk Reduction and Management Council (PDRRMC, CDRRMO at MDRRMO) para sa maagang paghahanda ng mga kakailanganing gamit, gaya ng relief goods, mga gamot, at iba pa.
Inihahanda rin ang mga evacuation center sakaling kailanganing ilikas ang mga residenteng maaapektuhan ng baha.
Agad na rin naghanda ng mga kakailanganing gamot dahil sa papalit-palit na Pinaghahandaan na rin ng lalawigan ang bagyong ‘Onyok’, na kapapasok lang sa Philippine area of responsibility kahapon. (Light A. Nolasco)