RIYADH, Saudi Arabia (AP) — Sinabi ng Saudi Arabia na 34 na bansang Muslim-majority ang nagkasundo sa pagbuo ng isang bagong alyansang militar para labanan ang terorismo at may joint operations center na nakabase sa kabisera ng kaharian, ang Riyadh.
Nakasaad sa anunsyo, inilabas noong Martes ng Saudi Press Agency, na ang Saudi-led alliance ay itinatag dahil ang terorismo “should be fought by all means and collaboration should be made to eliminate it.”
Hindi man kasama sa koalisyon ang regional rival ng Saudi Arabia, ang Shiite Iran, pinagsasama naman ng alyansa ang iba’t ibang bansang Muslim sa ilang kontinente, kabilang ang Mali, Malaysia, Pakistan, Lebanon at Egypt gayundin ang mga katabing Gulf countries gaya ng United Arab Emirates.
Inilabas ang anunsiyo habang pinamumunuan ng Saudi Arabia ang military intervention sa Yemen laban sa mga rebeldeng Shiite at bahagi rin ng U.S.-led coalition na nambobomba sa Islamic State group sa Iraq at Syria.