Ipinamalas muli ng Barangay Ginebra.
Muling ipinamalas ng koponang Barangay Ginebra ang tatak nilang “Never Say Die” nang bumalikwas ito mula sa 22-puntos na pagkaiwan ng NLEX para mapataob ang huli, 91-90, noong Linggo ng gabi sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Isinalansan ng rookie mula sa University of Perpetual Help ang 10 sa kanyang kabuuang 15-puntos na output sa laro sa final canto upang pamunuan ang 38-15 na pagbalikwas ng Kings at maangkin ang panalo.
Napag-iiwanan ang Kings sa iskor na 53-75, nang papasukin ni coach Tim Cone ang kanyang second stringers na tumugon naman sa hamon sa pangunguna ni Thompson.
Pinasalamatan ng husto ni Cone na sa unang pagkakataon ay nakaranas ng nasabing “Never Say Die” na laro ng koponan ang kanilang fans na siyang nagtulak at patuloy na nagbigay ng inspirasyon sa team upang lumaban kahit tambak na sila sa kalaban.
“It’s my first time to be on this side of ‘Never Say Die’. That’s really created by our fans. We gotta give credit to our fans because they did the work for us,” ani Cone.
Dahil sa panalo, lumakas ang tsansa ng Kings na makahabol sa twice-to-beat advantage na ibibigay sa koponang tatapos na pangatlo at pang-apat sa pagtatapos ng eliminations para sa quarterfinals. (MARIVIC AWITAN)