Isang tindero ng yelo ang kritikal ngayon matapos pagsasaksakin ng isang pedicab driver na kanyang nakaalitan dahil sa tagayan ng gin sa Navotas City, noong Linggo ng gabi.

Kinilala ng pulisya ng biktima na si Marvin Roldan, 22, ice vendor.

Pinaghahanap pa rin ng awtoridad ang suspek na si Fernando “Nognog” Reyes, 23, pedicab driver. Ang dalawa ay kapwa residente ng Barangay North Bay Boulevard South.

Ayon sa police report, kapwa dumalo ang suspek at biktima sa birthday celebration ng isang kaibigan, dakong 8:30 ng gabi noong Linggo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kasarapan ng inuman, biglang nagkapikunan ang dalawa nang inumin ni Roldan ang tagay ng gin na para kay Reyes.

Sinabi ng mga testigo sa pulisya na kinompronta ni Nognog ang tindero subalit agad silang inawat ng nagdiriwang ng kaarawan, kaya umalis ang suspek sa lugar.

Makalipas ang ilang minuto, bumalik si Reyes na may dalang ice pick at walang kaabug-abog na ilang beses na tinarakan si Roldan. (Jel Santos)