Paano ba pangungunahan ni Conor McGregor ang kanyang spectacular achievement sa UFC 194 matapos niyang tapusin ang mahabang liderato ni Jose Aldo sa loob lamang ng 13-segundo?
Puwede kayang agad-agad na hawakan nito ang dalawang UFC championship belt? Para sa isang boksingerong katulad ni McGregor, ang hawakan ang dalawang titulo sa parehong panahon ay isang malaking karangalan.
Sa isang press conference matapos na ma-knockout ni McGregor si Aldo sa mabilis na 13-segundo, inihayag ni UFC president Dana White na nakikita niya ang dalawang potensiyal na direksiyon para kay McGregor.
Sa ulat ng MMA Fighting.com., si McGregor “The Notorious” ay puwedeng tanggalin ang kanyang featherweight belt at umangat sa lightweight, upang agad niyang maipaglaban ang kanyang titulo, o madepensahan ang kanyang belt laban kay Frankie Edgar.
“I think that was always his plan,” ang pahayag pa ni White, sa isang hiwalay na panayam sa MMA Fighting. “He wanted to fight Jose Aldo, and then move to 55 (lightweight) and then fight for that title.”
Si McGregor ay bukas sa kapwa senaryo subalit sinabi nito na wala siyang intensiyong iwanan ang kanyang featherweight belt.
“I’ll tell you one thing that won’t be happening. If I go up to that lightweight division, there’s no way in hell that I’m vacating my belt,” ang pagdeklara nito. “That’s not happening.”
“There will be a belt on one shoulder and a belt on the other,” ani pa McGregor.
Sa kasaysayan ng UFC, dalawang fighter pa lang ang nakahawak ng belt sa maraming weight division—sina Randy Couture at BJ Penn. Wala sa dalawa ang may hawak ng alinmang kampeonato sa ngayon, at iyon ang target ni McGregor na maabot.
“Look how many fights I’ve had in the last year. I stay busy. I stay fresh. So when I go to lightweight and take that lightweight belt, I will stay the featherweight champion also,” ayon dito.
“I will be a dual weight champion. There is no going up and vacating. The belt will still be active, because I am active,” ang sabi pa ni McGregor.
Samantala, wala pa namang reaksiyon o komento si White sa plano ni McGregor.
Kasalukuyang hawak ni Rafael Dos Anjos ang lightweight belt na nakatakdang idepensa ang kanyang titulo sa susunod na linggo laban kay Donald Cerrone. (MMA Fighting.com)