Iginiit ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas na si Vice President Jejomar Binay ang eksperto upang magpaliwanag sa pagkakaiba ng “graft” at “corruption.”

“It’s a good thing that he explained about graft and corruption because he’s the expert,” pahayag ni Roxas nang tanungin hinggil sa naging talumpati ni Binay sa Siliman University sa Negros Oriental hinggil sa isyu.

Ito ang pinakamatinding pasaring ni Roxas sa standard bearer ng United Nationalist Alliance (UNA) habang papalapit ang eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Iniulat na ipinaliwanag ni Binay sa mga estudyante ng unibersidad na ang “graft” ay pag-abuso sa kapangyarihan habang ang “corruption”ay ang paglustay sa pondo ng bayan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiit pa ng pangalawang pangulo na hindi maituturing na “graft” o “corruption” ang mga ibinibintang sa kanya ng iba’t ibang sektor.

Si Binay, 74, ay nahaharap sa patung-patong na kaso dahil sa umano’y pangongomisyon ng bilyun-bilyong piso sa iba’t ibang transaksiyon sa mga proyekto sa Makati City noong siya ay alkalde pa ng siyudad.

“Let us accept his explanation. It is better that he explained it because he may have a personal experience about graft and about corruption,” saad ni Roxas.

Sa kanyang panig, binigyang-diin ni Roxas na kontra siya sa ano mang uri ng katiwalian at nangakong ipakukulong ang lahat ng naglustay sa pondo ng bayan sakaling maupo siya sa Malacañang. (AARON RECUENCO)