Pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagkuryente sa sarili ang naisip na paraan ng isang bilanggo upang tuluyan nang “makalaya” mula sa pagkakakulong sa Manila City Jail sa Sta. Cruz, Manila, nitong Miyerkules ng gabi.

Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Gregorio Trinidad, 38, umano’y bading na preso sa Manila City Jail, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Ayon sa report ni JO3 Jose Rodzon, imbestigador ng MCJ, dakong 10:00 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Nauna rito, hinanap ni Sonny Tazarte, mayores sa Culturero Selda 1 ng MCJ, ang biktima dahil kulang ng isa ang pinangangasiwaan niyang preso.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Natagpuan naman ni Tazarte sa loob ng kubol nito ang biktima na unang inakalang natutulog nang paupo ngunit nang tangkaing gisingin ay hindi na ito sumasagot kaya isinugod sa pagamutan.

Sinasabing hinawakan ni Trinidad ang isang live wire sa loob ng sariling kubol na siya niyang ikinamatay.

Si Trinidad ay may kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ang kanyang kaso ay dinidinig pa sa hukuman ngunit matagal na umanong gustong makalaya ng biktima.

(Mary Ann Santiago)