Gilas Pilipinas, double-time para sa Olympic Qualifying Tournament.
Inilista ni Gilas Pilipinas team coach Tab Baldwin ang dalawang bansa na halos siguradong lulusot sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa susunod na taon.
Ayon kay Baldwin, hindi matatawaran ang lakas ng France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic, ang limang bansa na kasali sa European region sa darating na OQT event.
Sa mga nasabing European squads, dalawa para kay Baldwin ang may malaking tsansa na makuha ang natitirang slots para sa 2016 Rio Olympic Games.
“I think Serbia and Greece are almost a lock. I thought both of them should have qualified during the European championships this year. Spain found their form at the right moment and knocked both teams out one right after the other. I rate both those teams as practically shoo-ins,” ani Baldwin.
Bukod sa limang European squads ay sasabak din ang iba pang rehiyon sa nasabing OQT event kabilang na ang tig-tatlong bansa sa FIBA Americas, Afrobasket at FIBA Asia at isa sa Oceania region.
Ang tatlong winning hosts na hindi kasali sa mga naunang qualified team ang kukuha naman ng tatlong iba pang slots ng OQT.
Hahatiin naman ang labing-walong bansa sa tatlong grupo upang maglaban-laban kung saan ang tatlong champion ng bawat grupo ang uusad sa Rio Games.
Dehado man ang Pilipinas sa OQT ay hindi naman nawawalan ng pag-asa si Baldwin na magkakaroon ng magandang laban ang Gilas squad.
“There’s talent everywhere that’s why it’s a supremely tough tournament. Even at our best we’re a longshot. But that’s OK. Longshots succeed all the time and that’s what we are trying to be,” ani Baldwin.
Sa ngayon ay nagkakasya sa Monday practice session ang 17 PBA players na pagpipilian ni Baldwin para sa Gilas Pilipinas line-up na sasabak sa OQT event na gaganapin July 5-11. (DENNIS PRINCIPE)