WALANG dapat ipagtaka at ikagulat sa pagbubunyag ng umano’y pangmomolestiya o sexual harassment ng ilang alagad ng Simbahan. Sinasabing hindi ito lingid sa kaalaman ng ilang sektor ng 1.2 bilyong Katoliko sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagpahayag ng pagkadismaya sa umano’y kasumpa-sumpang gawain ng ilang mga pari.
Katunayan, mismong si Pope Francis ang malimit na humihingi ng paumanhin hinggil sa pagmamalabis ng ilang Catholic priest. Hindi siya nangiming ibunyag ang pananamantala ng ilang kaparian nang siya ay bumisita sa ating bansa kamakailan. Maging ang mga katiwalian sa Vatican na ibinibintang sa ilang alagad ng Simbahan ay isiniwalat din ni Pope Francis kaugnay ng mga reporma sa mga tahanan ng Panginoon.
Matagal na nga bang ginigiyagis ng sexual harassment ang Simbahang Katoliko? Marahil nga, sapagkat mismong sa mga aklat ni Dr. Jose Rizal, Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay naglalarawan ng mga eksena tungkol sa pagmamalabis ng ilang alagad ng Simbahan. Kinakatawan ito nina Padre Damaso at Padre Salve na kapwa nanamantala na itinuturing pa namang tagapagpalaganap ng mga aral at salita ng Diyos. Sila ang nagbibigay-dungis sa umano’y mga banal na simulain na ipinalalaganap ng mga Kastila noong panahong sinakop tayo ng mga dayuhan sa loob ng halos 400 taon.
Manaka-naka ring nalalantad ang mga ulat tungkol sa pagmamalabis ng ilang pari sa kani-kanilang mga paroko. Hindi ba’t may mga balitang may mga kababaihan na naanakan umano ng pari?
Sa kabilang dako, hindi maitatanggi na higit na nakararami ang mga alagad ng Simbahan na huwaran at kapuri-puri sa kanilang pakikitungo sa mga mananampalataya. Katunayan, karamihan sa kanila ay nagiging katuwang sa paglikha ng ulirang pamilya at higit sa lahat, sila ang pinakamabisang instrumento sa pagpapalaganap ng mga utos ng Diyos.
Dapat natin silang unawain. Sabi nga ng isang banyagang manunulat: “We must realize that an open wound might even tempt sa Saint.” Tulad natin, mga tao sila na natutukso rin. (CELO LAGMAY)