Aby_Marano_02 copy

Sa kabila ng kanyang dinanas na dalawang sunod at halos kambal na pagkabigo, nananatiling optimistiko sa mga pangyayari ang dating La Salle ace spiker na si Aby Marano.

Matapos mabigo ang kanyang koponang Petron sa kampeonato ng Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix 2015 sa kamay ng Foton noong nakaraang Sabado ng hapon, muling nakalasap ng kabiguan ang dating UAAP MVP nang matalo naman ng PLDT Home Ultera ang kanyang koponang Philippine Army (PA) sa kampeonato ng Shakey’s V League Season 12 Reinforced Conference.

“Siyempre sobrang sakit. Kasi dalawang team ko na araw-araw ibinibigay ko ang lahat sa ensayo, twice a day ako nag-i-ensayo, tapos ‘yung isa unbeaten sa eliminations biglang twice natalo sa finals, ang sakit lang,” ani Marano.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Pero sabi ko sa sarili ko, kailangan kong mag-cheer-up. Siguro kaya ipinaranas sa akin ito ni God kasi gusto niya na mag-strive pa ako to become a better athlete. Me dahilan kaya nangyari ito at yun na lang ang iniisip ko,” dagdag pa nito.

Ayon kay Marano, nagpapagaan din sa kanyang nararamdamang sakit ang mga aral na kanyang natutunan sa dalawang team na kanyang kinabibilangan at itinuring niyang ikalawang pamilya sa volleyball.

“Dun sa Petron, natuto akong makisama at makibagay sa iba’t-ibang mga teammate na galing sa iba’t-ibang mga school kahit sa ibang lahi, ‘yung mga import, while sa Army, natutunan ko ang pagmamahal sa trabaho kasi dito halos lahat ng kasama ko puro mga beterano pero makikita mo ‘yung fashion nila sa laro, iba, talagang nakakahanga,” wika pa ni Marano.

Matapos ang dalawang kabiguan, bilang isang karaniwang tao, nais naman ni Marano na ipagdiwang ang nalalapit na Kapaskuhan kasama ng kanyang pamilya at mga mahal sa buhay.

“Kasi nitong mga nakaraang buwan, halos isinasakripisyo ko ‘yung time ko para sa family ko dahil sa training, ngayong wala ng laro, sa family ko naman ibubuhos ang oras ko.” (MARIVIC AWITAN)