TALAVERA, Nueva Ecija - Dalawang katao ang nasawi habang isa naman ang grabeng nasugatan makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi nakilalang suspek habang nag-iinuman sa Barangay Gulod sa bayang ito, nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat na ipinarating ni Supt. Roginald Atizado, hepe ng Talavera Police, kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, kinilala ang nasawi na si Eric De Leon y Santiago, 38, may asawa, driver; at Virgilio Calma y Santiago, 53; habang sugatan naman si Nelson De Leon y Adriano, 27, binata, welder, pawang ng nasabing lugar.

Sa pagsisiyasat ni PO1 Reynaldo Cayog, dakong 6:20 ng gabi at masayang nag-iinuman ang mga biktima sa bahay ni Eric nang biglang sumulpot ang tatlong suspek at pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas.

Ayon sa report, may kaugnayan sa alitan sa lupa ang motibo sa pamamaslang. (Light A. Nolasco)

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol