Nagposte ng kanyang personal best na 24-puntos si John Lloyd Clemente bukod pa sa pagkaldag ng 16 na rebound upang pamunuan ang National University (NU) sa paggapi sa Far Eastern University (FEU)-Diliman, 70-56, at hatakin ang kanilang naitalang winning run hanggang sa anim na laban sa ginaganap na UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa Blue Eagle Gym.

Sa iba pang laban, nagtala naman si Jolo Mendoza ng 19-puntos sa loob ng 15-minuto lamang sa loob ng court upang pangunahan ang defending champion Ateneo sa paggapi sa University of the East (UE), 91-51.

Nagsanib puwersa naman sina Marvin Sario at Brent Paraiso at nagposte ng pinagsamang 35-puntos upang pangunahan ang De La Salle-Zobel sa pagpapadapa sa University of Santo Tomas (UST), 96-43.

Dahil sa kanilang panalo, magkasalo pa rin ang Ateneo at ang De La Salle Zobel sa ikalawang puwesto na may parehas na barahang 5-1, panalo-talo.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Tinalo naman ng Adamson University ang UP Integrated School, 76-65, para umangat sa patas na barahang 3-3 kapantay ng Baby Tamaraws sa ika-apat na puwesto.

Nalaglag naman ang Tiger Cubs sa kartadang 2-4, panalo-talo habang nanatiling walang panalo ang Junior Maroons at ang Junior Warriors matapos ang anim na laro. (Marivic Awitan)