MATAPOS ang isang taong paglilitis, nahatulan na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton matapos kasuhan ng murder dahil sa pagkamatay ng Filipino transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude nong Oktubre 11, 2014.

Ngunit, ang kasong murder ay ibinaba sa kasong homicide at hinatulan si Pemberton ng anim hanggang 12 taong pagkakakulong. Nabigo umano ang prosekusyon na patunayan na ginamitan ng lakas ng sundalong Kano si Laude kaya’t nagpasya na gawing homicide ang kaso. Iginiit pa ng korte na hindi binalak ang pagpatay kay Laude. Inatasan din ni Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch 74 Judge Roline Ginez-Jabalde si Pemberton na bayaran ang pamilya ni Laude ng P4.6 milyon. Saklaw ng nasabing halaga ang nagastos sa pagpapalibing kay Laude, moral damages, civil indemnity at exemplary damages. Hindi pinayagan ni Judge Jabalde ang hinihingi ng pamilya ni Laude na P100 milyon dahil masyado na raw malaki at hindi nararapat.

Sa naging desisyon sa kaso para sa katarungan ni Pemberton, may ilan sa ating mga kababayan ang nagbunyi at nagsabing sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, ngayon lamang nangyari na may mamamahay sa kulungan na puting unggoy o Amerikano.

Nagpahayag naman ng pagkabigo ang pamilya ni Laude sa desisyon ng Olongapo City court sapagkat sa halip na murder ang isampa kay Pemberton ay naging homicide lamang. Hindi rin umano sapat ang 12 taong parusa kay Pemberton.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon naman kay Atty. Harry Roque, ang legal counsel ng pamilya Laude, ang naging desisyon ng korte ay itinuturing niyang isang “mapait na tagumapay” sa kabila ng kanilang pagkapanalo sa kaso. Sa galit ni Atty. Roque, naihampas niya ang kanyang kamay sa mesa habang ginaganap ang press conference. Maging ang ina ni Jeffrey Laude ay nagpahayag din ng kawalang kasiyahan sa desisyon ng korte kay “Ganda”, tawag niya kay Jefffrey. Ang medyo ikinatuwa ng ina ni Jeffrey sa desisyon ay ang utos ni Judge Jabalde na idiretso sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa si Pemberton.

Ngunit sa kabila nito, hindi ito natupad dahil ayaw ibigay ng mga escort si Pemberton sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Marami ang nagsasabi na hindi mamamahay sa kulungan sa Muntinlupa si Pemberton. Mananatili ito sa AFP Custodial Center sa Camp Aguinaldo sapagkat may aircon at masasarap ang pagkain doon. May mga guwardiyang Kano sa Muntinlupa, at hindi imposible na matutong mag-drugs si Pemberton. (CLEMEN BAUTISTA)