MATAGAL-TAGAL pa bago simulan ang kampanyahan para sa mga pambansang posisyon, ngunit ngayon pa lang ay pangkaraniwan nang sumisingit sa panonood natin ng telebisyon ang political ads ng mga kandidato sa pagkapangulo. May batas laban sa “premature campaigning” ngunit noong 2009, nagdesisyon ang Korte Suprema sa kasong Penera vs. Commission on Elections na batay sa bagong Poll Automation Law, maaari lamang parusahan ang isang krimen sa eleksiyon kapag ginawa ito sa panahon ng kampanya.

Kaya naman pagkatapos pa ng Pebrero, ang simula ng 90-araw na national election campaign, maaaring papanagutin ang alinmang krimen na may kinalaman sa halalan. May mga paglabag sa eleksiyon, gaya ng labis na paggastos, ngunit mapapanagot lang ang kandidato sa kanyang mga ginastos sa panahon ng kampanya.

Ito ang dahilan kaya mayroong mga political ad sa telebisyon, may mga mensahe sa radio, at nangagsabit na ang mga tarpaulin at billboard na nagpoproklama sa kandidatura. Para sa atin, mistulang “premature campaigning” ito, ngunit hindi sa ilalim ng umiiral na batas.

Inihain ni Sen. Miriam Defensor Santiago, ang kandidatong wala pang television ad, ang Senate Bill No. 2445 noon pang Nobyembre 2014 upang iwasto ang sitwasyong ito, ngunit, aniya, inupuan lamang ito ng Senado. Himutok niya, dahil hindi ipinagbabawal ang premature campaigning, lamang ang mga kandidatong nag-uumapaw ang pondong pangkampanya sa mga kandidatong limitado lang ang kayang gastusin.

Maaaring totoo ito sa kaso ng mga hindi kilalang kandidato, gaya ng maraming pinupuntirya ang Senado. Para sa limang kandidato sa pagkapangulo, umaasa tayong ang mga anunsiyong ito ay hindi magiging kasing halaga ng mabuting reputasyon at malilinaw na posisyon ng mga kandidato sa mga pambansang usapin.

Ang mga kalaban ni Senador Santiago sa pagkapangulo—si Mar Roxas ng Liberal Party ng administrasyon, si Vice President Jejomar Binay ng United Nationalist Alliance, ang independent na si Sen. Grace Poe, at si Mayor Rodrigo Duterte ng PDP-Laban—ay matagal nang kilala ng publiko at nakapagpahayag na rin ng kani-kanilang opinyon sa maraming usapin. Ang kanilang mga gagawin at sasabihin sa mga susunod na buwan ay higit na pagtutuunan ng pansin kaysa PR image ng kani-kanilang TV ads.

Ngunit patuloy nating hihimukin ang ating mga mambabatas na aksiyunan ang panukala ni Senador Santiago upang tuldukan na ang maagang pangangampanya hanggang maaari, o kahit para sa susunod na eleksiyon—para na rin sa patas na pangangampanya at upang makabawas na rin sa gastusin, na hanggang ngayon, ay nakapipigil sa maraming mahuhusay at karapat-dapat na kumandidato para maglingkod sa bayan.