TUNAY ngang ikinagagalak ng mga magulang at mga lider ng komunidad ng Bgy. Mabini Extension sa Cabanatuan, sa pangunguna ni Barangay Chairman Myra Capinpin, ang simple ngunit nakamamanghang gusali na ipinagkaloob ng Filipino Chinese Chambers of Commerce of the Philippines, Inc. (FFCCCI) sa kanilang barangay.

May sukat na 14 x 6 metro, magkahiwalay na mananahan sa naturang gusali ang Day Care Center ng komunidad para sa pre-school at ang tanggapan ng barangay. Babasbasan ang Day Care Center sa Disyembre 18 kasunod ng kanilang Christmas party. Sinabi ni Capinpin, ang gusaling ipinagkaloob ay magkatuwang na pinagsikapan ng lokal na Filipino Chinese Chamber of Commerce at ni Cabanatuan City Mayor Jay Vergara.

Nakapagpatayo na ang FFCCCI ng libu-libong pampublikong paaralan sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility (CSR) program. Ang dahilan kung bakit nakapupukaw ng interes and Cabanatuan project ay waring ito ang unang pasilidad ng FFCCCI na nakatalaga sa isang barangay Day Care Center.

***

Ano na ang mangyayari sa mga batang napulot o foundling? Ang ruling ng Commission on Elections (Comelec) second division na nagdiskuwalipika kay Senator Grace Poe na tumakbo sa panguluhan sa susunod na taon dahil umano sa hindi paglalahad ng katotohanan sa ilang impormasyon sa kanyang Certificate of Candidacy (CoC) ay kabiguan.

Sinusuportahan ng ruling ang posisyon ng tatlong hukom ng Supreme Court na miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) na hindi natural-born Filipino si Poe dahil siya ay isang foundling.

Nakabase ang kapwa ruling sa isang literal na interpretasyon ng mga probisyon ng Konstitusyon. Gayunman, si retired Supreme Chief Justice Artemio Panganiban ay nagsagawa ng mas liberal na interpretasyon ng parehong probisyon ng Konstitusyon hinggil sa natural-born citizenship at iginiit na sapat na pinunan ni Poe ang basic requirements para sa mga Pilipino na naghahangad na tumakbo bilang pangulo.

Ang mga isyung ito ay aktuwal na higit pa kay Senator Poe at nagbabadya ng seryosong mga implikasyon sa payak na mga karapatan at kapakanan ng lahat ng mga foundling. Sa lahat ng bagay, kailangang manaig ang Konstitusyon kahit anong mangyari. Gayunman, nananatili pa rin ang pangangailangan na muling repasuhin at baguhin ang mga probisyon ng Konstitusyon hinggil sa citizenship ng mga foundling.

Ibinase ng COMELEC second division ang ruling nito sa jus sanguinis (bloodline) principle. Hindi kailanman nabanggit sa kaso ni Poe ang jus soli, ang kaakibat na prinsipyo sa pagtataya ng citizenship. Tuluyan din bang inabandona ang jus soli?