HABANG tinatalakay sa 2015 Paris Climate Change Conference ang tungkol sa climate change, makabuluhan din nating pag-ukulan ng pansin ang pabagu-bagong panahon na nagdudulot ng pangamba sa sambayanan. Ang matinding sikat ng araw, bahagyang pag-ulan at pabugsu-bugsong pag-ihip ng magkahalong init at lamig ng hangin ay nagiging dahilan ng mga karamdaman. Talagang damang-dama na natin ang epekto ng El Niño.
Ang nakababahalang situwasyong ito ay bahagi ng idinadaos na pagpupulong ng mga lider ng bansa sa mundo; nakatitiyak tayo na sinisikap nila, kabilang na si Presidente Aquino, na bumalangkas ng mga patakaran hinggil sa climate change na nararamdaman din sa buong mundo. Sinisikap nila na magkaisa sa paglalaan ng bilyun-bilyong dolyar upang maibsan ang matinding epekto ng climate change. Bahagi rin ng mga pagsisikap ang pagpapababa ng temperatura bunsod ng pagbabago ng panahon.
Habang hindi pa nakabubuo ng mahihigpit na patakaran sa isinasagawang Paris Climate Change Conference tungkol sa pagpapahina ng epekto ng climate change, marapat na ipatupad ng administrasyon ang mahihigpit ding regulasyon laban sa pabagu-bagong klima. Ang mga sasakyang nagbubuga ng maiitim na usok ay naglipana pa sa mga lansangan. Tila inutil ang mga ahensiyang may pananagutan sa paglipol ng naturang nakadidismayang katigasan ng ulo ng ilang motorista.
Maliwanag na nagbubulag-bulagan ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagsugpo ng maling sistema.
Maging ang mga barangay official ay hindi rin aktibo sa pagsugpo ng walang patumanggang pagsusunog ng basura sa kani-kanilang nasasakupan. Hindi pa ganap na nasusugpo ang pagsusunog ng plastic na masyadong nakasasama sa kalusugan ng mamamayan.
Kailangang tuldukan na rin ng mga mambabatas at ng mga local government units (LGUs) ang pagsusulong ng mga panukala hinggil sa pagtatayo ng mga incinerator. Ang pagsusunog ng basura sa mekanismong ito ay nagbubuga rin ng maitim na usok.
Dapat paigtingin ang paglipol sa masamang sistema na nagpapalubha sa climate change; gayon din ang pagbubuga ng usok na nakalalason sa kapaligiran at mismong sa mamamayan. (CELO LAGMAY)