ETO na naman tayo!
Sa unang araw ng balik-trabaho ng mga mamamayan matapos ang isa na namang long weekend, binulaga sila ng matinding traffic sa EDSA at mga kalapit lansangan nito.
Umagang-umaga noong Martes nang inabot ng siyam-siyam ang mga motorista para makarating sa kanilang opisina dahil sa usad-pagong na traffic sa EDSA.
Ang dahilan…ibinalik ang mga orange plastic barrier sa EDSA-Kamuning Avenue.
Maging si Boy Commute ay nadiskaril ang porma sa kakahintay ng masasakyan nang umagang ‘yun. Dahil tagaktak ang pawis, natunaw na ang mamahaling gel na ipinahid niya sa kanyang buhok, na nagmistulang nabasang sisiw kahit walang ulan ng mga oras na iyon.
Parusa! Parusa! Parusa!
Mabuti pa si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na laging fresh at pogi ang dating tuwing haharap sa pagdinig sa kanyang kaso, hanggang siya ay hinatulan nitong Martes.
Walang emosyon, parang solidong bato.
Ito marahil ang nasa isip ng transgender killer nang siya ay hatulan: “Sa kulungan walang traffic. Beh, buti nga!”
Mayroon ding nang muling makita ang mga plastic barrier ay nag-akalang bumalik sa bansa, kung hindi man ang mga ASEAN state leader ay si Pope Francis, dahil may nakalimutang gamit.
Mayroon ding malilikot ang isip na nag-akalang bumalik ang Santo Papa upang buweltahan si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa walang prenong pagmumura nito. Sorry na lang…wala pong ganyan!
Ang mga orange barrier ay dali-daling inilagay ng Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) nitong weekend. May katiting na abiso sa mga mamamayan, walang abiso sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Tulad ng dati, kapag pumalpak, nagbabatuhan lang ng sisi ang dalawang ahensiya.
Suspetsa ni Boy Commute, may opisyal ng MMDA na naalimpungatan sa kanyang paggising noong Biyernes o Sabado ng umaga, at inakalang ang pagbabalik ng mga orange barrier ang epektibong solusyon sa pagsisikip ng trapiko ngayong papalapit ang Pasko.
Marahil nang itinawag ang ideya kay PNP-HPG Director Chief Supt. Arnold Gunnacao, na mabilis namang kinagat ng opisyal…parang nag-eeksperimento lang.
Ano bang grade n’yo sa Biology subject? 73?
Iniisip kasi ni Boy Commute kung anong hayop (palaka, daga, ipis, uod at iba pa) ang ginagamit n’yo tuwing nag-eeksperimento. Buhay ba o patay na?
Buhay pa siguro ang hayop na isinasalang n’yo sa experiment table. Ganun din kasi ang ginagawa n’yo sa mamamayan sa kasalukuyan.
Wala silang kalaban-laban na binabalatan nang buhay sa tuwing nag-eeksperimento sa pagmamando ng trapiko.
‘Ika nga ni Boy Commute: Ang sakit! Ang hapdi! (ARIS R. ILAGAN)