SUBIC BAY FREEPORT – Habang inaantabayanan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Amerika ang pagbababa ngayon ng desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) sa kaso ng pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude, na ang pangunahing suspek ay isang Amerikanong sundalo, marami ang naniniwala na muling masusubukan ang tibay ng relasyon ng magkaalyadong bansa sa kahihinatnan ng kaso.
Inaasahang muling iinit ang mga kilos-protesta sa mga sentimiyento laban sa US government ngayong Martes, kasabay ng inaasahang pagbababa ng hatol kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ni Judge Roline Ginez-Jabalde, ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74.
Mahigit 1,000 pulis ang ipakakalat ng Police Regional Office (PRO)-3 sa Olongapo City upang matiyak ang seguridad sa Olongapo City Hall of Justice, na roon inaasahang dadagsa ang maraming militante na mag-aabang sa desisyon ng korte sa Laude murder case.
Si Pemberton ay kasalukuyang nakapiit sa isang espesyal na pasilidad sa Joint US Military Assistance Group (JUSMAG) compound sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City, matapos siyang kasuhan sa pagpatay kay Laude noong Oktubre 11, 2014.
Nagtagpo sina Pemberton at Laude sa Ambyanz Club sa Olongapo City sa kainitan ng pagsasagawa ng PH-US joint military exercises sa Pilipinas.
Base sa court records, nag-check in ang dalawa sa isang motel subalit kinabukasan, natagpuang patay ang Pinoy transgender sa inupahan nilang silid, ang mukha ng biktima ay nakalublob pa sa inodoro. (JONAS REYES)