GINUNITA nitong Nobyembre 23 ang ika-6 na taong anibersaryo ng Maguindanao massacre. Sa ating paggunita ay nagdaos ng isang programa para sa mga yumao kung saan nag-alay ng mga bulaklak at panalangin ang mga naulila. Hanggang sa ngayon ay patuloy silang naghihintay ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay na pinaslang upang maparusahan ang mga nasa likod na malagim na insidente. Umabot sa 58 katao ang pinatay noong Nobyembre 23, 2009. At 32 sa mga ito ay mamamahayag kabilang din ang 14 na kamag-anak ni dating Buluan Vice Mayor Ismael Mangudadatu (governor na ngayon ng Maguindanao). Ang mga bangkay ay inilibing sa isang mass grave kasama ang sasakyan ng mga reporter at cameraman ng isang tv station.
Ginunita rin ang Maguindanao massacre ng isang grupo ng mga Pilipino-Amerikano sa pamamagitan ng photo exhibit at konsiyerto sa Hollywood, Los Angeles. Ang pagtatanghal ay isinagawa ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) USA Chapter. Sa mensahe ni Consul-Generel Leo Herrera, sinabi niya na hindi natin dapat kalimutan ang mga biktima ng Maguindanao massacre at kailangang mabigyan sila ng katarungan. Kinondena naman ng New York based watchdog Committee to Protect Journalists at ng International Federation of Journalists ang mabagal na paglilitis sa kaso at ang patuloy na pagpatay sa mga mamamahayag sa Pilipinas.
Ang mga biktima ay kasama ng convoy ng asawa ni dating Buluan Vice Mayor Ismael Mangudadatu patungo sa Shariff Agwak upang maghain ng certificate of candidacy (CoC) para sa pagka-governor ni Mangudadatu. Ngunit hinarang ang convoy ng 100 katao na binubuo ng mga pulis at paramilitary trooper sa pangunguna ni Andal Ampatuan, Jr. Ang mga bkitima ay walang awang pinagbabaril hanggang sa mapatay. Nadakip at nakulong ang mag-amang Ampatuan at iba pang suspek at sinampahan ng kaso sa Quezon City RTC Branch 221. Ang kaso ay lilitisin ni Judge Jocelyn Solis Reyes.
Tatlong hukom pa ang itinalaga ng Korte Suprema upang tumulong kayJudge Reyes sa paghawak ng kaso. Ngunit sa nakalipas na anim na taon, napakabagal ng usad ng gulong ng katarungan. Namatay na sa sakit na cancer sa atay ang isa sa mga suspek noong Hulyo at hindi na naparusahan. Ang nakalulungkot pa, ang karahasan ay hindi nahihinto kahit humihimas na ng rehas na bakal ang mga suspek sa massacre. Napatay sa ambush ang dating driver at nasugatan naman ang bagman ng mga Ampatuan matapos nilang magsilbing mga witness. Batay sa record, may 90 suspek na ang naiharap sa hukuman. May 57 suspek ang pinayagang makapagpiyansa kabilang na rito ang isang kamag-anak ng Ampatuan na tatakbo pa sa darating na halalan sa isang bayan sa Maguindanao.
Patuloy na maghihintay at aasa ang ating mga kababayan sa magiging resulta ng paglilitis, lalung-lalo na ang mga pamilya at kaanak ng mga biktima. (CLEMEN BAUTISTA)