KARAMIHAN sa mga pelikula ni Wenn Deramas ay hindi sineseryoso at aminado naman ang favorite director ni Vice Ganda na ang pangunahing layunin niya sa paggawa ng pelikula ay patawanin nang todo ang mga manonood.
Achieved naman ito ni Direk Wenn kaya’t binansagan siyang box office director.
Tulad ng dapat asahan ay riot sa katatawanan ang huli niyang putahe, ang Wang Fam, a comedy horror mula sa Viva Films.
Sa istorya ay kinailangang isakripisyo ang karakter na ginagampanan ni Pokwang, the last virgin of a clan of aswang at ialay sa kinikilalang panginoon ng mga aswang. Hindi ito natuloy nang umibig siya sa isang botanist (Benjie Paras) at nagkaroon ng tatlong anak na ginagampanan nina Andre Paras, Abby Bautista at Alonzo Muhlach.
Sisikapin nilang mamuhay ng normal pero bubuweltahan si Pokwang ng kanyang kapatid (Wendell Ramos) upang matuloy ang pag-aalay.
Tilian, habulan and comic romance ang mga sangkap ng Wang Fam. Father and son ang roles nina Benjie at Andre at enjoy sila sa kanilang ginagawa na para bang naglalaro lang sa set.
Mainam din ang projection at chemistry nina Andre at Yassi Pressman na magbarkada sa tunay na buhay.
Mas malakas ang appeal sa amin ni Niño Muhlach noong kamusmusan at kasikatan niya than Alonzo na bratty kung umatake sa role.
Ang pagpanood ng Wang Fam ay isang mabisang alternatibo upang makaiwas sa matinding katrapikan sa Edsa. (REMY UMEREZ)