Nagpasya ang isang Korean businessman na tapusin na ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa kanyang condominium unit sa Pasay City, bunsod ng matinding selos sa kanyang live-in partner na nakikipagrelasyon umano sa isang kapwa niya Korean.

Kinilala ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, ang nagpatiwakal na si Kim Cheolgyu, 42, negosyante, at pansamantalang naninirahan sa 1201 Tower C, Antel Seaview Tower Condominium sa Roxas Blvd., Pasay City.

Sinabi ni Doria na nadiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang live-in partner na si Analyn Petaca, 29, ng Barangay Bugtong Silag, Mangatarem, Pangasinan, habang nakabitin sa kisame.

Ayon sa pulisya, naaagnas na ang bangkay ni Kim nang matagpuan sa kanyang condo unit.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Lumitaw sa imbestigasyon na bago ang pagpapatiwakal ni Kim, sinabi ni Petaca na nagtalo sila noong Nobyembre 20 matapos siyang akusahan nito na sikretong nakikipagrelasyon sa isang Bob Chin, na isa rin umanong Korean.

Nabisto umano ang pagtatagpo nina Petaca at Bob Chin nang mabasa ni Kim ang palitan ng text message ng dalawa sa cell phone ng kinakasama.

At dahil sa matinding sama ng loob, nagdesisyon si Kim na hiwalayan na si Petaca at pinalayas pa ang huli sa kanyang condo unit. (JEAN FERNANDO)