Malaki ang paniwala ng pulisya na may kaugnayan ang magkahiwalay na insidente ng pagpatay sa isang babae at isang lalaki sa iisang lugar sa Cavite City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Joseph Javier, hepe ng Cavite City Police, dakong 5:15 ng umaga at nag-aalmusal sa loob ng sari-sari store sina Loida Laforteza, 40, residente ng Bagong Purok St., Barangay 36M Caridad; at Lolita Morales, 52, nakatira naman sa Yagit Street, Barangay 36A Caridad, nang biglang dumating ang hindi kilalang suspek at binaril si Laforteza na agad nitong ikinamatay.
Tumagos naman sa kaliwang balikat ni Morales ang bala kaya isinugod din siya sa ospital at ginagamot na sa Philippine General Hospital, habang mabilis namang tumakas ang suspek bitbit ang isang .45 caliber pistol pero naiwan sa crime scene ang isang deformed slug at dalawang basyo nito.
Samantala, dakong 6:00 ng umaga, habang nag-iimbestiga ang mga awtoridad sa lugar ng barilan, ay muli silang nakatanggap ng impormasyon mula sa mga residente na may natagpuang bangkay na palutang-lutang sa karagatan na sakop din ng Barangay 36M.
Kinilala ang biktimang si Gilbert Ramirez, alyas “Chino”, 54, residente rin ng Bagong Purok. May balot ng plastic bag ang ulo nito habang nakitaan naman ng isang tama ng bala sa ulo na ikinamatay nito.
Naniniwala ang pulisya na may kaugnayan ang dalawang insidente, na ang pangunahing tinitingnang anggulo ay ilegal na droga. - Beth Camia