Laro sa Huwebes - Cuneta Astrodome

4 pm -- Petron vs Foton

Umaasa ang Foton Tornadoes na makapagtatala ito ng matinding upset sa pakikipagharap nito sa 2-time champion na Petron Blaze Spikers sa nakatakdang tatlong larong kampeonato ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na sisimulan sa Huwebes sa Cuneta Astrodome.

Ito ay dahil unang pagkakataon pa lamang ng Tornadoes na tumuntong sa kampeonato habang makakasagupa nito ang Blaze Spikers na hindi lamang nagawang magtala ng kasaysayan sa liga sa pagtatala ng perpektong rekord sa pagsungkit sa isa sa dalawa nitong titulo kundi bitbit pa ang karanasan sa internasyonal na labanan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Huling nalasap ng Tornadoes ang maigsing tatlong set na kabiguan kontra sa Blaze Spikers, 27-25, 25-23 at 25-16, sa laban na ginanap sa De La Salle Sentrum sa Lipa City na pumigil sa hinahangad nitong anim na sunod na panalo at rekord ng koponan sa torneo.

Ang kabiguan ay ikalawang sunod din sa katulad na dami ng kanilang paghaharap sa kumperensiya. Unang nalasap ng Tornadoes ang kabiguan noong Oktubre 15 sa Blaze Spikers sa 25-21, 20-25, 13-25, 25-12 at 9-15.

Gayunman, optimistiko si Foton coach Villet Ponce De Leon na malalampasan ng kanyang mga manlalaro ang tila sumpa sa pakikipagharap sa Petron sa pagnanais nitong pigilan ang asam naman ng kalaban na tatlong sunod nito na pagsungkit sa kampeonato.

“I firmly believe in my players,” sabi lamang ni De Leon.

Samantala, nagtulungan sina import Alexis Olgard at Bojana Todorovic upang iwanan sa bansa ang memorableng huling paglalaro sa pagbitbit sa Philips Gold sa apat na set na panalo, 23-25, 25-21, 25-22 at 25-17, kontra Cignal sa classification match ng 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Imus Sports Center.

Bumawi mula sa nakadidismayang kabiguan ang Lady Slammers sa semifinals kung saan pinamunuan nina Olgard at Todorovic ang koponan para sa ikatlong puwestong pagtatapos sa inter-club na torneo na suportado ng Asics at kasama ang Milo, Senoh, Mikasa at Mueller bilang technical partner.

Ang 6-foot-5 middle blocker mula sa University of Southern California na si Olgard ay nagtala ng 21 sa kanyang 25-puntos sa spike habang si Todorovic ay nagpakita ng all-around game sa 19 kill at tatlong block para tumapos na may 23-puntos para sa Lady Slammers na naduplika ang ikatlong puwesto sa nakaraang All-Filipino Conference.

Si Todorovic, na naglaro bilang libero para sa 2011 US NCAA Division I champion University of California-Los Angeles, ay mayroon din 23 excellent reception kasama ang walong digs.

Naging konsolasyon naman para sa Meralco Power Spikers ang kabuuan nitong ikatlong panalo matapos na biguin ang RC Cola-Air Force, 25-21, 20-25, 25-23, 25-20, para sa ikalimang puwesto.

Nagtala si import Christina Alessi ng 11 kill at dalawang block para sa 13- puntos habang ang middle hitter na si Mika Reyes at Liis Kullerkann ay mayroong 11 at 10 hit para sa Power Spikers. - Angie Oredo