Solong liderato ang pupuntiryahin kapwa ng Pampanga Foton at Manila NU-MFT sa kanilang pagsalang sa dalawang magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng Filsports Basketball Association (FBL) Second Conference sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.

Makakasagupa ng Pampanga ang defending champion Quezon City UP habang makakatunggali naman ng Manila ang Marikina Wang.

Kasalukuyang magkasalo sa liderato taglay ang barahang 5-1, panalo-talo, sasagupain ng Tornadoes ang Maroons sa unang laban ganap na 3:30 ng hapon sa rematch ng First Conference title contenders.

Makakatapat naman ng Bulldogs ang Deliverers sa ikalawang laban ganap na 5:30 ng hapon.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Kung patuloy na mangingibabaw ang target ng Pampanga Foton at Manila NU-MFT, magtatangka naman ang Quezon City UP, Marikina Wangs, Pateros Austen Morris Associates at Malolos Mighty Bulsu na kumalas sa kasalukuyang kinalalagyang 4-way logjam sa No. 3 spot taglay ang magkakaparehas na barahang 2-4, panalo-talo para palakasin ang tsansa nilang umusad ng semifinals.

Makakalaban ng Associates na pangungunahan ng kanilang team owner at playing coach na si Nic Belasco ang Mighty Bulsu sa tampok na laban ganap na alas-7:30 ng gabi.

Makakasama ng mga koponan sina FBA President and CEO LJ Serrano at Commissioner and CFO Vince Hizon sa weekend games sampu ng punong-abalang si Malolos Mayor Attorney Christian Natividad. (MARIVIC AWITAN)