NANG magkita kami ng kaibigan kong palabiro ngunit sarkastiko sa isang kapihan matapos ang APEC 2015 Leaders’ Summit, nagtataka raw siya kung bakit parang ugali ni Pangulong Aquino na bagong gupit pa kapag may mahalagang okasyon. Hindi raw bale kung siya ay tutungo sa ibang bansa at mananatili roon ng ilang linggo o buwan at baka humaba ang buhok. Lalo lang daw nagiging manipis ang kanyang buhok at tumitingkad ang ulo.
Sabi ko sa kanya, personal na kagustuhan ito ng binatang Pangulo at sa isang bansang demokratiko, malaya ang sino man sa kanyang naisin hanggang hindi siya lumalabag sa batas o kaya’y nakakasakit ng kanyang kapwa. Iginiit niya na higit daw na angkop kay PNoy kung medyo mahaba ang buhok niya at hindi bagong gupit. Tabasan lang daw nang bahagya ang magkabilang gilid at hayaang tumubo (kung tutubo pa) ang parteng ituktok.
Biniro ko ang palabirong sarkastiko: “ Hindi ka naman barbero. Hayaan mo siya. Iba ang kanyang gupit o hairstyle kumpara kina Canadian Prime Minister Justin Trudeau o Mexican Pres. Enrique Peña Nieto.” Hindi na siya kumibo at uminom na lang ng kape. Isipin ninyo, maging ang buhok pala ni PNoy ay napupuna ng ating mga kababayan na nakikita nila sa TV!
Matindi ang pahayag ni US Pres. Barack Obama tungkol sa ginagawang konstruksiyon ng China sa West Philippine Sea (South China Sea) at ang patuloy na pag-okupa nito sa mga reef na saklaw ng 200-nautical mile ng Pilipinas. Dapat daw itigil ito. Sana ay totohanin ito ng gobyerno ni Uncle Sam upang kahit papaano ay matulungan ang kanyang Little Brown Brother na walang puwersang militar upang harangin o pigilin ang bansa ni Pres. Xi Jinping.
Sa puntong ito, hindi ko lubos na maintindihan ang mga raliyista laban sa APEC 2015 kung bakit ang lagi nilang sinusugod at minumura ay ang US Embassy? Gayunman, halos tameme sila at walang pagsugod at pagsigaw sa Chinese Embassy o sa iba pang mga bansa sa APEC, tulad ng Australia, Russia, Mexico, Canada, New Zealand, Japan at iba pa.
Bakit laging America? Dahil ba ginagawa tayong tuta ng US? Sakali bang maging under tayo ng China, hindi rin nila tayo gagawing tuta? Ang pagiging tuta o sunud-sunuran ay nasa paninindigan ng bansa at mamamayan nito. Dapat ay manindigan tayo at tumayo sa sariling mga paa.
Ang China ay maliwanag na manduduro, isang world bully, nangangamkam ng teritoryo natin sa karagatan. Sila ang dapat nilang protestahan araw-araw, pagsisigawan at sabihang “leave the Philippines alone.” Tingnan ninyo ang situwasyon: Ang US ay tumutulong sa ‘Pinas sa panahon ng kalamidad at paglaban sa mga terorista. Ang China ay nagpapalakas at nangangamkam ng mga teritoryo na hindi kanya. Aba, buksan ang inyong kaisipan at ibasura ang sinaunang paniniwala na ang US ay imperyalista at mananakop! (BERT DE GUZMAN)