DALAWAMPU’T anim na taon na ang APEC. Napakatagal na palang nagpupulong ng 21 lider ng iba’t ibang bansa. Ngunit hanggang ngayon ay marami pa ring nagtatanong, partikular na ang ordinaryong mamamayan, kung ano at para saan ba ito? Wala silang gaanong nauunawaan kung ano ang APEC at kung anu-ano ang mga tinatalakay nila sa kanilang pagpupulong o pagtsitsismisan.

Ang pangunahing temang pinag-uusapan ng mga lider sa APEC ay tungkol sa EKONOMIYA o KABUHAYAN at tungkol sa KALAKALAN o PANGANGALAKAL.

Pero ang tanong ay ito, may pagbabago bang ihahatid sa mga bansang kasapi ang taun-taong pagpupulong na ito?

Halimbawa ay tungkol sa ekonomiya dito sa ‘Pinas. Nakatulong ba ito para maiangat ang buhay ng mga nagdarahop na mamamayan? Umunlad ba kahit kaunti ang kanilang buhay? Kung umunlad, bakit hanggang sa mga sandaling ito ay tambak ang mga naghihikahos at nagugutom? Bakit tambak din ang mga walang trabaho? At bakit karamihan sa mga Pinoy ay salat sa buhay?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa pangangalakal naman, lumago ba ang kalakalan sa bansa? Nagdagsaan ba ang mga dayuhan o maging lokal na mamumuhunan? Bakit tila dinadaig pa tayo ng Vietnam gayong ilang dekada itong nalugmok?

Talagang hindi uunlad ang kalakalan sa bansa dahil na rin sa mga pesteng kalakaran sa gobyerno. Kung matino ang isang dayuhan ay talagang hindi siya papasok sa Pilipinas para mamuhunan. Bakit?

Dahil mahal ang kuryente na siya atang pinakamahal sa Asia at kung hindi man ay sa buong mundo. Mahal ang labor.

Mababa ang kalidad ng mga imprastruktura at kalsada at ang mass transport system ay nakakasuka. Sa kapirasong papeles na kakailanganin mo para magbukas ka ng negosyo ay napakaraming dapat pumirma na ang bawat pipirma naman ay nangangailangan ng “aginaldo” kahit hindi Pasko. Sa kakapirasong permit para magbukas ka ng negosyo ay maghihintay ka ng siyam-siyam bago maaprubahan. Papaanong papasok ang mga mamumuhunan lalo na kung mula sa ibang bansa?

Kasama kaya ang mga usaping ito sa APEC meeting? Bakit hindi nagbabago ang ating sistema at mga patakaran?

BIRONG PINOY

AMBO: Pare, ano ba yang APEC?

KARYO: Iyon ay pagpupulong ng mga lider ng mga kasaping bansa para talakayin ang ekonomiya.

AMBO: Ano ang epekto nito sa ating KABUHAYAN?

KARYO: Sa paningin ko pare, sa ating bansa ang pagpupulong na ‘yan ng APEC ay WALANG EFFECT. Dahil ang gobyerno ni PNoy ay puro lang pa-EPEK! (ROD SALANDANAN)