Nobyembre 19, 1969 nang makamit ng sikat na Brazilian soccer player na si Edson Arantes do Nascimento (isinilang noong 1940), kilala bilang Pele, ang 1,000th professional goal sa isang laro laban sa Vasco da Gama team sa Maracana stadium sa Rio de Janeiro, Brazil. Ang tunay na pangalan ni Pele ay halaw mula sa pangalan ni Thomas Edison.
Taong 1956, sinumulan niya ang paglalaro sa Santos Football Club sa Sao Paulo City, bilang left forward. Makalipas ang dalawang taon, tinulungan niya ang Brazilian national team na talunin ang Sweden at maging kampeon sa World Cup finals. Naglaro pa si Pele sa tatlong iba pang World Cup.
Noong Oktubre 1, 1977 ang huli niyang laro, laban sa dati niyang koponan na Santos, bago tuluyang magretiro.
Si Pele ay may taas na limang talampakan at walong pulgada, ngunit kumubra ng 1, 282 goal sa kanyang 1,363 laro.
Natanggap niya ang International Peace Award noong 1978 at kabilang sa American National Soccer Hall of Fame noong 1993.