Bukod sa mga motorista, idineklara na rin ng awtoridad na off-limits sa mga pedestrian, jogger at mag-siyota ang Baywalk area sa Roxas Boulevard, simula kahapon hanggang Biyernes.
Ang pagdedeklara ng “no-walk zone” sa Roxas Boulevard ay alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Joseph Estrada, bilang bahagi ng ipinatutupad na security measures para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa lungsod.
Ayon kay Johnny Yu, hepe ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, sakop ng kautusan ang Roxas Boulevard, mula T.M. Kalaw hanggang sa P. Ocampo Street.
Nananatili ring bawal ang pagsu-swimming sa Manila Bay.
“Motorists and pedestrians are temporarily prohibited from using Roxas Boulevard. Swimming in Manila Bay is still not allowed. Romantic dates are also not allowed,” ani Yu.
Magpapakalat din umano ang Manila Police District (MPD) ng mga pulis sa lugar upang matiyak na walang tao at walang sasakyan na maliligaw sa Roxas Boulevard sa panahon ng APEC.
Ang sinumang lalabag sa direktiba ng alkalde ay aarestuhin at pagmumultahin, ayon kay Yu.
Sinabi ni Yu na ito ang unang pagkakataon na ang bay area ay isasara maging sa mga pedestrian dahil sa isang espesyal na okasyon.
Dati naman umanong nagdedeklara ng ‘no-walk zone’ sa Roxas Boulevard ngunit ito’y isinasagawa tuwing may kalamidad.
(Mary Ann Santiago)