Limang katao ang malubhang nasugatan makaraan ang pagsabog ng granada sa Kabacan, North Cotabato, nitong Sabado ng gabi.

Batay sa report na isinumite sa Camp Crame ng North Cotabato Police Provincial Office (NCPPO), nangyari ang pagsabog dakong 6:30 ng gabi sa Rizal Avenue at Marvel Street sa Barangay Poblacion, Kabacan.

Kinilala ni Senior Supt. Alexander Tagum, direktor ng NCPPO, ang mga biktima na sina Johainna Alon, 17; Berlie Baluyot, 46; John Clark Opeña, 13; at Gerardo Moya, 48, pawang naninirahan sa Kabacan.

Ayon sa imbestigasyon, dalawang hindi kilalang suspek na lulan sa isang motorsiklo ang naghagis ng granada sa naturang lugar.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agad dinala ang limang biktima ng mga rumespondeng pulis sa North Cotabato Provincial Hospital.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo.

Ito ang ikalawang pagsabog na nangyari makaraan ang unang pagsabog na ikinasugat ng isang apat na taong gulang na bata sa tapat ng Rock Oil gasoline station sa Kabacan kamakailan.

Malaki ang hinala ng pulisya na ang dalawang magkasunod na pagsabog ay posibleng bahagi ng pananabotahe upang magdulot ng pangamba sa mga komunidad sa Kabacan. - Fer Taboy