NAKATAKDANG dumalo sa 23rd Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit ang mga bigating leader ng mga makapangyarihang bansa sa daigdig na gaganapin sa Maynila sa Nobyembre 18-19. Kabilang dito sina US Pres. Barack Obama, Prime Minister Dmitry Medvedev na hahalili kay Russian Pres. Vladimir Vladimirovich Putin, Chinese Pres. Xi Jinping, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Australian Prime Minister Malcolm Turnbull, Indonesian Vice President Jusuf Kalla na hahalili naman kay Indonesian Pres. Joko Widodo, Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei at iba pa.
Bilang preparasyon, nasa 1,364 na flights ang kinansela na magsisimula sa isang linggo. Maging ang karagatan ng Pilipinas ay pinababantayan sa Philippine Coast Guard. Ang buong Roxas Boulevard ay sarado sa mga motorista at ang kahabaan ng EDSA ay limitado dahil isasara ang ilang lanes para sa mga delegado ng APEC. Marahil ay tama ang mungkahi ni ex-Pres. Fidel V. Ramos na ang pulong ay dapat ginawa sa Subic o sa Clark sapagkat walang maaabalang biyahe ng eroplano rito at mga pampribadong sasakyan na may kargang produkto at iba pa.
Ang nakapagtataka sa kasalukuyang administrasyon ay kung bakit itataas ang sahod ng Pangulo at Bise Presidente gayong barya-barya lang ang idinagdag sa suweldo ng mga ordinaryong kawani ng gobyerno, particular na ng mga guro. Isipin ninyo, katakut-takot ang allowance at pribilehiyo ng Pangulo ngunit nanindigan si Budget Sec. Butch Abad na taasan pa rin ang suweldo nito.
Ano ka ba naman Mr. Butch? Talaga bang BAD ka?
Ang Pilipinas ay isang katolikong bansa. Isa sa 10 utos ng Diyos ang huwag magnakaw. Subalit nakapagtatakang marami sa mga leader, pulitiko at pinunong-bayan natin ang mga magnanakaw, mandarambong ng pera ni Juan dela Cruz. Ang pagnanakaw at katiwalian ay hindi lamang sa mataas na antas ng gobyerno umiiral kundi hanggang sa mga ahensiya nito, gaya ng DoTC, BoC, BIR, AFP, PNP, LTFRB, LTO, at sa nakahihiyang NAIA na hindi lang nakilala bilang isa sa worst airport sa mundo kundi isa sa pinakadelikadong paliparan bunsod ng tanim-bala racket doon.
Talagang kakaiba si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Diretso at mabangis ang kanyang solusyon sa mga katiwalian sa pamahalaan. Bunsod ng mga katarantaduhan na nangyayari sa New Bilibid Prisons (NBP), nais niyang ang mga convicted prisoner, lalo na ang mayayaman at maimpluwensiya, ay dalhin sa Pacific Ocean at hayaang mangisda roon na ang pain ay ang kanilang “genitals” (na baka kapag sa Tagalog ko gamitin ang salita ay pagalitan ako!). (BERT DE GUZMAN)